Vic Sotto, iba pang nakatrabaho, 'di raw makalilimutan ang pagpapatawa ni Ritchie D' Horsie
Inihatid na sa huling huntangan nitong Miyerkules ang mga labi ng pumanaw ng komedyante na si Ritchie D' Horsie. Sa huling gabi ng lamay, kabilang sa mga nakiramay sina Vic Sotto at Pauleen Luna.
Sa "Chika Minute" report si Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules ng gabi, sinabing dinaluhan ng malalapit na kaanak at mga kaibigan ang misa para sa Richie na ginawa sa Loyola Memorial Park sa Marikina.
Pagkatapos ng misa, inilibing na si Richie.
Labis ang pasasalamat ng pamilya ni Richie sa lahat ng mga nakiramay at nagbigay ng suporta sa kanila lalo na sa mga kaibigan ni Richie sa industriya, gaya nina Sen. Tito Sotto, Vic Sotto at Joey De Leon o "TVJ."
"Nagpapasalamat ako sa suporta ng Tito, Vic and Joey at sa pagmamahal nila kay Richie," ani Joy Reyes, misis ni Richie. "Sana huwag ninyong kakalimutan ang Richie D Horsie kasi marami siyang na-contribute sa industry, marami siyang napasaya at napangiti."
Sa huling araw ng lamay ni Richie, magkasamang dumalaw ang magkasintahan na sina Vic at Pauleen.
Nais raw maalala ni Bossing Vic ang masasayang alaala ni Richie na likas raw na pilyo, masayahin at palabiro.
Hindi lamang daw sidekick ng "TVJ" si Richie kung hindi parang isang kapatid.
Ilang taon ding nagsama sa telebisyon at pelikula ang TVJ at kadikit na nito ang pangalang Richie D' Horsie.
"Gusto ko 'pag naalala nila si Richie yung mga panahong napatawa sila. Kasi 'yon ang mananatili sa aming isipan lalo na kaming TVJ, the times na pinapatawa niya kami," pahayag ni Vic.
Naroon din ang kapatid ni Vic na si Maru Sotto, at sina Jinky Oda at Aiza Seguerra, na nakatrabaho ni Richie sa "Okay Ka Fairy Ko."
"Off and on camera iba yung sense of humor niya, very barako sense of humor," ani Aiza.
"One thing na masasabi ko kay Richie as a person kahit ganun, hindi niya pinabayaan yung family niya. Happy na rin ako knowing that he is with the Lord, yung talagang nag-commit siya ng life niya kay Jesus Christ," ayon naman kay Jinky. -- FRJ, GMA News