Filtered By: Showbiz
Showbiz

Direk Maryo sa mga gustong mag-artista: 'You have to look at it as work. Hindi ito raket'


Kabilang sina Ervic Vijandre at Jazz Ocampo, pati na ang anak ng Concert Comedy Queen AiAi Delas Alas na si Sancho Vito, sa 22 nagtapos sa 10-session basic acting workshop ng GMA Artist Center.
 
Ang naturang workshop ay pinangunahan ng ilang facilitators at acting coaches, kabilang na ang batikang direktor na si Maryo J. Delos Reyes, at acting coach at indie film director na si Yanni Yuzon.
 
Ang mga nagtapos ng basic acting workshop ay kinabibilangan ng mga teen, youth at adult actors. Layunin ng pagsasanay na hasain ang kanilang talento sa pag-arte, pati na sa personality development, values formation, at world cinema appreciation.
 


 
Ayon sa Consultant for Talent Development at overall supervisor na si Direk Maryo, masaya siyang masundan ang higit sa 150 talents na nagdaan sa GMA Artist Center workshop. Kabilang dito ang ilan sa mga sikat na artista ngayon gaya nina Kylie Padilla, Elmo Magalona, Barbie Forteza, Gabbi Garcia, Rocco Nacino, at marami pang iba.
 
“We hope that they could be casted later on in the shows of GMA, whether as actors, hosts, or singers. We're trying to groom our own talents so this is an initial harvest again,” ayon sa batikang direktor.
 
Dagdag pa niya, “Raw talents sila noon. Para kang naghahasa ng ginto, hindi mo naman natatagpuan na makinang na. Siyempre, pakikinisin pa 'yan, huhugasan, lilinisin, kakaskasin. Ngayon, mayroon na silang stature bilang artista."
 
Masusundan umano ang acting workshop na ito ng iba pang workshop ngayong taon, gaya ng voice, dancing, singing, personality development, values formation, film appreciation series, at ang pinakabagong workshop na 'Acting for the Camera,' na pangungunahan ni Direk Laurice Guillen simula ngayong Mayo.
 
Binabalak din ng GMA Artist Center na magkaroon ng Laboratory Workshop, kung saan gaganap sa isang telesine o indie film ang mga kalahok sa acting workshop.
 
Payo ni Direk Maryo sa mga nais pasukin ang pag-aartista: “You have to look at it as work. Hindi ito raket. Kapag gusto niyong pumasok dito, kailangan seryosohin niyo para seryosohin kayo. At the same time, you have to look at it as a profession, and any profession requires a lot of hard work. Acting is a dignified profession. It has to be studied, put into heart and into mind."
 
Samantala, masaya ang 'InstaDad' star na si Jazz Ocampo sa mga naitulong ng acting workshop na kaniyang sinalihan.
 
Hindi umano siya tumigil sa pagsali sa iba't ibang acting workshop kahit na lumalabas na siya sa mga programang pantelebisyon dahil parte ito ng patuloy na proseso ng kanyang pagkatuto bilang isang artista. Bukod sa hilig niya rin ang pag-arte, nais niya rin daw maka-inspire ng mga taong gusto ring pumasok sa showbiz.
 
Aniya, “Mas naging confident ako sa sarili ko. And I learned to be organic. Kapag nag-a-act kasi tayo, we tend to overreact or pretend. Dapat manggaling sa sarili mo lagi. You have to feel what you're supposed to feel, and when you feel it, kusa na siyang lalabas. Naturally.”
 
Kabilang naman si Sancho Vito sa cast ng upcoming Kapuso Primetime soap na 'Let The Love Begin,' at kasama niya rito ang kaniyang inang si AiAi. -- FRJ, GMA News