Eula Valdez, inaming nakakaranas ng 'career depression'
Sa kabila ng patuloy na pagkilala sa kaniya bilang isa sa pinakamagaling na aktres sa industriya, inamin ni Eula Valdez na nakararanas na siya ng 'career depression' dahil sa pagkabawas ng dumarating na mga proyekto.
Pero salungat naman dito ang pananaw ng kaniyang mga tagahanga na patuloy na sumusuporta sa aktres.
Kamakailan lang, hinirang ng Film Desk of Young Critics Circle si Eula bilang Best Actress sa nagdaang 25th Annual Citations for Achievement in Films para sa kaniyang pagganap sa indie film at Cinemalaya entry na 'Dagitab.'
Ayon sa 46-year-old actress, malaking karangalan daw ang mabigyang-pansin ang kaniyang talento, kaya naman nagpapasalamat siya at nabibigyan pa rin siya ng mga makabuluhang role sa kabila ng kaniyang edad.
Nais pa raw ni Eula na makagawa ng marami pang makabuluhang pelikula at programa, kagaya ng pagganap niya bilang Doña Teodora sa GMA epic docu-drama tungkol sa buhay ni Jose Rizal na pinamagatang 'Ilustrado.' -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News