ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jimboy Salazar, nais nang magbago ng buhay matapos magkasakit at iwan ng nobyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpapagaling pa sa kaniyang karamdaman si Jimboy Salazar nang makapanayam ng Startalk. Dito, inihayag niya na iniwan na siya ng kaniyang nobyo at nais na raw niyang ituwid ang kaniyang buhay at bumuo ng sariling pamilya.

Sa episode ng Startalk nitong Sabado, May 9, sinabi ni Jimboy, dating nobyo ni Mahal, na walong araw siyang na-confine sa ospital matapos bumagsak ang kaniyang katawan at mahirapan sa paghinga.

Pero paglilinaw ni Jimboy, wala siyang human immunodeficiency virus o HIV, bagkos ay nagkaroon lamang ng plema ang kaniyang baga.



Habang kinakapanayam, makikitang hirap pa siyang magsalita at hinahabol ang paghinga.

“Kailangan pang tanggalin yung sipon para mawala yung hingal,” paliwanag ni Jimboy.

Sinabi rin niya na maingat siya at hindi ginagawa ang ibang ginagawa ng mga gay sa pakikipagtalik.

Hindi rin daw isyu ng kaniyang sakit ang dahilan ng pag-alis ng nobyo niyang si John Danan.

Nagpaalam lang daw ito sa kaniya na babalik sa Singapore pero hindi na bumalik sa piling niya hanggang sa mabalitaan niya na mayroon na itong iba.

Disyembre noong nakaraang taon nang ipakilala ni Jimboy si John at ibinalita ang plano nilang pagpapakasal sana ngayong taon.

Aminado siya na nakadagdag sa kaniyang alalahanin at karamdaman ang pag-alis ni John.

Pero bukod sa sakit ng katawan at puso, nadama rin ni Jimboy ang pangungulila ng nag-iisa.

"Wala akong family, minsan mag-isa na lang ako," naluluha niyang pahayag. "Doon ko na-realised na kailangan ko pala ng pamilya...sana pala nag-anak ako."

Kasabay ng paghingi ng tawad kay Lord sa maling direksiyon ng kaniyang buhay, inihayag ni Jimboy ang pagnanais na magkaroon ng babaeng makakasama sa buhay para bumuo ng kaniyang pamilya para sa itinuturing niyang pangalawang buhay.
 
"Gusto ko sana kung sino ang makatatanggap sa akin na gay ako,  mag-aano kami ng family," pahayag niya.

"Sabi ko Lord, gusto ko nang magkaroon ng direksyon ang buhay ko, 'di pala tama ang ginagawa ko, nakikipagrelasyon pala ako sa 'di tama," dagdag niya.
 
Humingi rin ng patawad si Jimboy sa kaniyang ina na nakakalimutan din daw niya katulad ng paglimot niya sa nasa Itaas.

“Sinabi ko sa mother ko na patawarin ako, kasi may oras na nakakalimot po ako pati sa Itaas," emosyunal na pahayag niya. "Doon po ako kumakapit talaga sa Kanya."-- FRJ, GMA News