Filtered By: Showbiz
Showbiz

'Julie on 24 Oras' trends worldwide after Julie Anne San Jose's first news anchor stint


Nag-trend worldwide ang 'Julie on 24 Oras' matapos ang kauna-unahang pag-anchor ng young Kapuso actress-singer na si Julie Anne San Jose sa 'Chika Minute' portion ng flagship national network news broadcast ng GMA Network na '24 Oras' nitong Martes.

Masaya ang aktres sa magandang pagtanggap sa kaniya ng mga manonood, lalo na't matagal na raw niyang pangarap na maging bahagi ng News and Public Affairs dahil Mass Communication ang kinuha niyang kurso.

Pagbabahagi ni Julie Anne, “Nag-screen test kami after kong mag-audition last month for 'Chika Minute.' Sabi ko, 'Uy, maganda yun! Matagal ko na talagang gusto kasi Mass Communication major ako. Maa-apply ko lahat ng pinag-aralan ko. Magandang opportunity ito, lalo na isa talaga ito sa mga nasa bucket list ko, na maging news anchor, makapaghatid ng news.”


Hindi naman niya itinanggi na nakaramdam siya ng kaba sa unang beses niyang paghatid ng balita. Lalo pa't ibang-iba ito sa mga nakasanayan niyang gawin sa telebisyon.

Kabilang si Julie Anne sa variety show na "Sunday All Stars," sitcom na "Pepito Manaloto," at host ng programang "Day Off."
 
Flattered umano ang Kapuso performer sa naging reaksyon ng netizens at ng mga manonood. Kung mabibigyan ng pagkakataon, nais daw niyang ipagpatuloy ang pagiging isang news anchor.
 
“I'm happy and medyo hindi ko talaga ine-expect kaya nakakakaba. Ibang-iba siya sa mga hosting stints na ginagawa ko na live at jolly lang. Ito kasi, medyo formal tapos maayos ang pagbabalita,” ayon kay Julie Anne.


 
Dagdag pa niya, “Based sa mga nakita ko, natutuwa daw sila na nakita ako sa ibang genre naman. Kasi nakikita nila ako laging nagpe-perform sa Sunday All Stars, o umaarte sa Pepito, o sa Day Off. Ngayon sa news na. Sobrang thankful ako sa kanilang feedback, at thankful din ako kasi lagi silang nakasuporta. Nagpapa-trend pa! Sana magpatuloy, kasi masaya talaga. Nag-e-enjoy ako dito. I'll find time for this as much as I can.”

Nakatakda rin siyang bumida sa bagong GMA Afternoon Prime na "Buena Familia" kasama ang ilan pang Kapuso stars gaya nina Kylie Padilla, Julian Trono, Mona Louise, Angelu de Leon, at Bobby Andrews.
 

 
Working with Mike Enriquez and Vicky Morales
 
Ibinahagi rin niya ang naging karanasan kasama ang ilan sa mga kinikilala at iginagalang na news anchor sa industriya na sina Mike Enriquez at Vicky Morales.
 
“Si Sir Mike and Ms. Vicky, nakakasama ko na sila pero hindi ganito na nagbabalita. First time ko na makasama silang magbalita. Si Sir Mike, nakikita ko lang dati kapag may shool project ako tapos iinterviewhin ko siya. Si Ms. Vicky naman, nakikita ko lang sa News and Public Affairs,” kuwento ng Kapuso artist.
 

 
Maliban sa telebisyon, patuloy rin ang pamamayagpag ng kaniyang career bilang isang singer. Mayroon siyang gaganaping concert sa darating na May 22 sa San Francisco, California, USA.
 
Inilabas na rin sa record stores at sa iTunes ang kaniyang pinakabagong album na “Deeper,” at nakatakda na ring i-release ng ilang tracks na nai-record niya sa America at ipo-produce ng sikat na producer ng mga kanta nina Beyonce, Usher, Rihanna, at Drake.
 
Umaasa rin si Julie Anne na makakagawa muli ng concert bago matapos ang taon kasunod ng matagumpay na 'Hologram' concert niya noong 2014. -- FRJ, GMA News