ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joy Viado on asking financial support for operation: 'Nahihiya ako'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilang araw matapos lumabas ang balitang nangangailangan siya ng tulong pinansyal para sa operasyon na kinakailangan upang maiwasan ang pagkaputol ng kaniyang binti dahil sa diabetes, inihayag ng komedyanteng si Joy Viado ang kaniyang kalagayan, mula sa halos 30 taong pakikipaglaban niya sa sakit aty ang desisyon niyang manatili sa charity ward ng isang ospital.
 
Sa ginawang panayam ni Rhea Santos para sa Tunay Na Buhay, sinabi ng 56-year-old singer at comedian, na isang linggo na siyang naka-confine sa charity ward ng Chinese General Hospital at nakatakda siyang sumailalim sa ikatlo niyang operasyon para masagip ang kaniyang binti.

 

Mga Kapuso, ilang sandali na lang, #TunayNaBuhay na! Nakatutok ka na ba sa GMA-7?

Posted by Tunay na Buhay on Tuesday, May 12, 2015



Hindi itinanggi ni Joy na kapos siya sa pera kaya pinili niyang manatili sa charity ward.

“Wala akong pera. Practical lang ako. May pera ako pero hindi ko ilalagay sa kuwarto, ilalagay ko sa gamot. Saka hindi naman ako nahihiya kung nasa charity (ward) ako. Bakit? Eh, okay lang naman ako,” pahayag ng komedyante na hindi pa rin maiwasan na magbiro sa kabila ng kalagayan.
 
Dagdag pa niya, bukod sa libreng pananatili sa ospital, libreng pagkain, at libreng konsultasyon sa mga doktor, alagang-alaga rin umano siya ng mga kawani at maging ng ibang mga pasyente sa pagamutan.
 
Gayunpaman, nilinaw niya ang usap-usapang nananawagan siya ng tulong pinansyal para sa nakatakda niyang operasyon dahil sa acquired diabetes na lalo pa umanong lumala sa nakalipas na 30 taon dahil sa katigasan ng kaniyang ulo at maling lifestyle.
 
“'Yung mga taong nakakita sa akin, sila lang ang nagsasabing, 'Hihingi po kami ng tulong para kay Joy Viado.' Sa totoo lang, ayaw ko ng ganun. Nahihiya ako. Kung nakikita nila ang hitsura ko sa Facebook at gusto nila akong tulungan, salamat,” ayon sa komedyante.
 
Nakatakda siya ngayong sumailalim sa Hyperbaric Oxygen Therapy para sa mga sugat niya sa paa, at magpapasalamat umano siya sa lahat ng mga nais tumulong para sa malaking gastusing kaakibat nito. Aniya, kinakailangan niyang dumaan sa 20 sessions na nagkakahalaga ng P6,500 kada isa.
 
Kaugnay ng malaking pangangailangan ni Joy, hindi nag-atubili ang kaniyang mga kaibigan at dating katrabaho na gumawa ng paraan upang makatulong sa kaniya.
 
Idaraos ang fundraising concert na pinamagatang 'Jam for Joy!' sa ika-31 ng Mayo sa 19 East Bar and Grill Km. sa 19 East Service Road Sucat, Muntinlupa City, kung saan lahat ng malilikom na pera ay mapupunta sa komedyante upang maipandagdag sa kanyang panggastos sa ospital, mga gamot, at sa kinakailangang operasyon.
 
Kabilang sa mga kilalang personalidad sa showbiz na magiging bahagi ng nasabing concert sina Gino Padilla, Noel Cabangon, Richard Merk, Marissa Sanchez, at marami pang iba. -- FRJ, GMA News
Tags: joyviado