ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Babaeng nagpakilalang tunay na ina ni Louise delos Reyes, lumantad


Lumutang at nagpaunlak ng panayam kay Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Lunes ang isang ginang na nagsasabing siya raw ang tunay na ina ng Kapuso actress na si Louise Delos Reyes.

Ayon kay Morena Ebrada, ipinanganak niya ang isang batang babae noong August 2, 1992 sa isang maliit na clinic sa Malibay matapos siyang mabuntis ng kanyang boyfriend.



Kaugnay nito, ipinakita niya ang isang birth certificate na isang Dharlee Mhay Ebrada, na siya umanong ipinangalan niya kay Louise nang isilang niya ito.

Pagpapatuloy ng ginang, pinili niyang ipaampon ang anak dahil sa hirap ng buhay, at sinabing ang kumupkop nga rito ay ang mag-asawang sina Jun at Elvie Perido na kakilala umano ng kanyang kaibigang tinawag niyang "Ate Joy."

Sina Jun at Elvie ngayon ang kinikilalang magulang ni Louise.

“Ipaampon ko na lang daw po ‘yung bata kay Jun at Elvie Perido kasi wala naman daw pong anak na babae, dalawa lang po ang anak niya. Sabi niya magiging maganda ang buhay niya doon. Syempre ako po bata, naisip ko rin po ‘yung kinabukasan ng anak ko, pinaampon ko na lang po siya doon sa mga Perido,” ani Ebrada.

Bukod sa kanyang mga pahayag, walang hawak na anomang patunay ang ginang na magpapatotoo siya ang tunay na ina ng aktres.

Samantala, pinabulaanan naman ni Louise at ng kanyang inang si Mommy Elvie ang mga pahayag ni Ebrido at sinabing hindi ampon ang former 'Kambal Sirena' star.

Anila, ipinanganak sa Tanza, Cavite ang young actress noong September 1, 1992 at ang kinalakihan niyang mga magulang ang kanyang tunay na mga magulang.

Hindi rin umano nila kilala si Ebrido at ang mga taong binanggit nito na naging daan raw upang maibigay ang anak na babae sa mga Perido.

Ayon kay Louise, “Gusto ko pa siyang tanungin, kasi medyo naguguluhan pa ako sa mga dine-declare niyang statements. But as far as I know, my childhood is clear with me. The pictures says it all.”

Iginiit naman ng ginang na nais niyang makaharap ang kanya umanong anak upang humingi ng tawad at upang kilalanin siya nito bilang tunay na ina.

“Para makahingi lang po ng tawad sa kanya tsaka para kilalanin na rin niya po ako bilang ina niya. ‘Yun lang po. Wala naman po akong ibang hangad, ‘yung mapapatawad niya po ako para mawala po ‘yung bagabag sa aking dibdib,” ani Ebrido. -- Bianca Rose Dabu/JST, GMA News