ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ano ang ibinulong ni David Foster kay Gerphil Flores sa grand finals ng Asia's Got Talent?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Balik daw muna sa pag-aaral ang Asia's Got Talent finalist na si Gerphil Flores habang wala pang linaw kung papipirmahin siya ng kontrata ng record producer at songwriter na si David Foster.

Ang operatic singer na si Gerphil ang third placer sa kauna-unahang AGT kung saan ang kapwa niya Pinoy na shadow play group na El Gamma Penumbra ang naging kampeon.



Nitong Huwebes, nagsama-sama ang apat na pambato ng Pilipinas sa AGT na kinabibilangan nina Gerphil, at Gwyneth Dorado, at grupong El Gamma Pemumbra at Junior New System.

Kabilang si David sa mga naging hurado sa AGT at pumindot ng golden buzzer para makapasok kaagad sa semi-finals si Gerphil.
 
Nang ianunsiyo na siya ang third placer sa grand finals, umakyat si David sa stage at may ibinulong kay Gerphil na paborito niya sa mga kalahok.
 
Paglilinaw ni Gerphil, hindi tungkol sa pagpirma ng kontrata ang ibinulong sa kaniya ni David taliwas sa mga naunang inakala.

 

"Wala naman siyang ini-offer na anything," ani Gerphil. "Words of encouragement lang."

Matatandaan na malaki ang naitulong ni David sa international singing at recording career ni Charice Pempengco.
 
Sa ngayon, sinabi ni Gerphil na tuloy muna ang pag-aaral niya sa University of the Philippines-Diliman, kung saan siya kumukuha ng kursong Music.
 
Inamin din ni Gerphil na ilang subject ang kaniyang isinakripisyo at kinailangang bitawan sa pagsali sa AGT kaya may naiwan pa siyang isang semester.
 
"Back to school ako," sambit niya. "Tatapusin ko na yung nag-iisang semester ko." -- FRJ, GMA News