Filtered By: Showbiz
Showbiz

Thea Tolentino, nagpasalamat sa alok na tulong ni Willie Revillame


Nakahanda na raw ang tsekeng ibibigay ni Willie Revillame na bahagi ng down payment sa sasakyan na nais mabili ng "Half Sisters" star na si Thea Tolentino.

Sa "Chika Minute" report ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing inialok ni Willie ang tulong nang maging guest sa show na "Wowowin" si Thea.

Naantig umano si Willie sa kuwento ng teen star na wala pa itong sariling sasakyan.

Kaya naman nang sandaling iyon ay nangako si Willie na siya na ang bahala sa kalahati ng downpayment para sa sasakyan ng aktres.

Pinag-uusapan pa ni Thea at ng kaniyang mga magulang kung tatanggapin ang alok ni Willie, pero sobrang grateful ang teen star sa alok na tulong ng batikang host.

Hindi pa muling nagkikita sina Thea at Willie mula noong guesting, pero kung sakali mang bumili siya ng sasakyan, sinabi ni Thea na susundin daw niya ang payo ng game show host na dapat niyang pagsikapan ang ipanghuhulog sa sasakyan.
 
"Natandaan ko yung sinabi niya sa akin na...'pero dapat paghirapan mo.' Tama naman siya, paghihirapan ko talaga. At kung bibili ako ng kotse kailangang pagsikapan ko sariling pera ko," ani Thea. -- FRJ/JST, GMA News
LOADING CONTENT