ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lea Salonga sa kaniyang Independence Day tweet: 'I'm man enough to admit when I'm wrong'


Miyerkules ng umaga nang muling nagbigay ng kaniyang pahayag ang internationally-acclaimed Filipina singer at Broadway performer na si Lea Salonga kaugnay sa pakikipagsagutan niya sa ilang netizens sa Twitter tungkol sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan noong June 12.
 
Saad ni Lea sa serye ng kaniyang tweets, nagpapasalamat siya sa mga netizens na nagmulat sa kaniya sa pagkakaiba ng salitang "kasarilan" at "kalayaan."


 
Gayunpaman, nagtatanong pa rin siya kung kailan ba talaga dapat gunitain ang araw ng kalayaan dahil hindi lang naman iisang bansa ang sumakop sa Pilipinas. Maliban kasi sa bansang Espanya, sinakop din ng Amerika at maging ng Japan ang Pilipinas.





Inamin naman ng singer-performer na hindi lubos ang kaalaman niya tungkol sa kalayaan ng Pilipinas kaya ipagpapatuloy daw niya ang pagbabasa tungkol dito.
 
“I'm man enough to admit when I'm wrong. #SorryNotButthurt” aniya.
 

Matatandaang umani ng iba't ibang reaksiyon ang tweet ni Lea noong June 12 matapos siyang magtanong kung ano ang ipinagdiriwang sa Araw ng Kalayaan gayung hindi naman malaya ang bansa sa utang, kahirapan,  krimen, at katiwalian.
 
“Our country is not yet debt-free, poverty-free, crime-free, or corruption-free. So what are we free from exactly and why do we celebrate it?” ayon sa sikat na singer-performer.
 
Ilang netizens ang pumuna sa naturang post ni Lea at nagpahayag na hindi magkakaroon ng pagkakataong maghayag ng saloobin ang international performer kung hindi dahil sa kalayaang kinikuwestiyon niya.
 

 
Iginiit naman ni Lea na malaya man raw tayo sa mga mananakop, hindi niya pa rin maipagdiwang ang tunay na kalayaan sa Pilipinas. Kasabay ng tweet na ito ang hashtag na “Just Me.”
 


Ang palitan ng tweets ni Lea at ng isang @ragingbulex ay umani ng 95 retweets at 245 favorites.
 
Marami man ang bumatikos sa kaniyang tweet ay nanindigan ang international singer sa kaniyang saloobin. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News