ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, Lotlot de Leon, at Janine Gutierrez, magsasama-sama sa isang GMA TV drama


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magbabalik-telebisyon ang batikang aktres at tinaguriang 'Superstar' ng Pilipinas na si Nora Aunor para sa drama anthology ng GMA News and Public Affairs na "Karelasyon."
 
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing magiging espesyal kay Nora ang proyekto dahil makakasama niya rito ang anak at “My Mother's Secret” star na si Lotlot de Leon, pati na ang kaniyang apo na si Janine Gutierrez.
 
Kaya naman kaabang-abang ang magiging episode ng "Karelasyon" na kanilang pagsasamahan dahil tatlong henerasyon mula sa pamilya ng mahuhusay na artista ang gaganap.

Napapanood ang  naturang drama anthology ng GMA News and Public Affairs tuwing Sabado ng hapon sa GMA News TV.
 
Samantala, nitong Martes ay iginiwad kay Nora ang Natatanging Gawad Urian o Gawad Urian Lifetime Achievement  sa ika-38 taon ng award giving body dahil sa kaniyang naiambag sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Hindi umano malimutan ni Nora ang naging tribute sa kaniya ng Urian bago igawad sa kaniya ang parangal, at inamin ng aktres na hindi niya naiwasang maging emosyonal.
 
Kuwento ng "Dementia" star, “Naramdaman ko yung pagpapahalaga. Hindi lang fans pati ng mga kapwa ko sa industriya. Hindi ko ma-explain yung pakiramdam talaga.”
 
Kasalukuyang abala ang Superstar sa shooting ng pelikulang “Kabisera,” na pagbibidahan niya at magiging opisyal na kalahok sa nalalapit nang 2015 Metro Manila Film Festival. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News