ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cris Villonco says she's 'loving the controversy' surrounding stage adaptation of 'Bituing Walang Ningning'


Matatandaang kamakailan lamang, inireklamo ng batikang aktres na si Cherie Gil ang paggamit ng sikat na linyang “You're nothing but a second rate, trying hard, copycat” sa musical adaptation ng 1985 classic film na “Bituing Walang Ningning,” at umabot pa nga ito sa pagpapadala niya ng Cease and Desist Letter sa pamunuan ng naturang musical.
  
Iginigiit ng batikang aktres na intellectual property niya ang naturang linya, na unang narinig mula sa karakter ni Lavinia Arguelles, na ginampanan ni Cherie, sa 1985 blockbuster film na “Bituing Walang Ningning” sa ilalim ng Viva Films.
 
Itinanggi naman ng Viva Communications, Inc. ang pahayag ng aktres at sinabing walang basehan ito, at sa ngayon nga ay patuloy na ginagamit ng stage and television actress na si Cris Villonco ang iconic line sa musical adaptation ng pelikula na ipinalalabas pa rin ngayon sa New Performing Arts Theater sa Resorts World Manila.
 
Si Cris ang gumaganap ngayon bilang Lavinia Arguelles, habang ang musical artist naman na si Monica Cuenco ang gumaganap bilang Dorina Pineda, ang karakter na ginampanan noon ni Megastar Sharon Cuneta.
 
Kaugnay nito, sinabi ni Cris na imbes na panghinaan ng loob dahil sa kontrobersiyang kinahaharap ng pinagbibidahan niyang musical play, natutuwa pa umano siya sa usap-usapang nabubuo mula rito.
 
Aniya sa isang Instagram post, “Loving all the controversy Bituing Walang Ningning is generating. Hindi kami perfect, nor original. Just a group of actors and singers trying to put on a good show.”
 
Sa huli ay inanyayahan niyang manood ng kanilang musical play adaptation ang mga gustong mag-throwback sa sikat na 80s film, pati na sa fashion, hairstyle, make up at mga kantang sumikat noong dekadang iyon.
 
“Kaya kung gusto niyong magthrowback 80s -fashion, hairstyle, makeup, at kanta, manood na po kayo. Sa buhok pa lang, puno na ang stage. Let the reign of Lavinia begin. Ika nga ng mga cast members namin: Ituloy Ang Musikal!” ayon sa stage actress.



-- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News