Charice at girlfriend na si Alyssa, magpapakasal na kaya?
Matapos na ideklarang legal ang same-sex marriage sa Amerika, maging hudyat na kaya ito para magpakasal ang Filipino international singer na si Charice at girlfriend niyang si Alyssa Quijano?
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "Chika Minute" ng GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing pinagkaguluhan ng mga kapwa Pilipino at maging ng mga dayuhan si Charice nang magtanghal sa taunang Pista sa Paris sa France.
Umapaw ang kasiyahang ng mga Pinoy at maging ng mga dayuhan nang magpakita ng husay sa pagkanta at maging sa pagyasaw si Charice.
Ayon kay Charice, mas ganado siyang magtrabaho ngayon dahil maayos na ang relasyon niya at ng nobyang si Alyssa sa kaniyang mommy Raquel.
"Mas light siyempre... parang everything is okay now and that makes us feel happy and work happier," aniya.
At dahil sa makasaysayang desisyon ng Korte Suprema sa US na ideklarang legal ang same-sex marriage sa kanilang mga estado, naitanong na rin kay Charice ang pananaw niya tungkol dito.
Anang mang-aawit, umaasa siyang darating din ang panahon na maisasabatas din ito sa Pilipinas at hindi na magiging usapin ang same-sex marriage.
GALLERY: 7 famous celebrity same-sex couples sa Pilipinas
Nang tanungin kung kailan sila ikakasal ni Alyssa, tugon ni Charice, "Gusto namin yung okey na lahat."
Sambit naman ni Alyssa; "Darating naman po doon pero hindi pa po siguro ngayon." -- FRJ, GMA News