Filtered By: Showbiz
Showbiz

'One chance:' Hiling ni Mura na dating ka-love team ni Mahal para makabalik sa showbiz


Sumikat noon ang tambalan ng midget artists na sina Mahal at Mura. Madalas silang mapanood sa mga pelikula at programa sa telebisyon bilang TV hosts at mga aktor.
 
Sa kabila ng kanilang pagiging malapit sa isa't isa noong kasagsagan ng kanilang kasikatan, hindi naman nauwi sa romantikong relasyon ang kanilang tambalan.
 
Dahil sa kanilang pagkakahawig at parehas na taas, una silang pinagsama bilang “kambal” noong 2003 sa isang noontime variety show. Kinailangang magbihis ng pambabae ni Mura upang maging kakambal ni Mahal.
 
Wala naman daw problema sa dating komedyante ang pagbibihis-babae dahil katuparan iyon ng kaniyang pangarap na mapanood sa telebisyon.
 
Pahayag ni Mura sa “Tunay na Buhay” nitong Martes, “Masaya talaga ako. Gusto ko kasi yung maraming nanonood talaga. 'Yon po ang pinangarap ko.”
 


Mula sa pagiging kakambal ni Mahal na tinawag na “Abby,” nagbihis-lalaki na si Mura matapos ang siyam na buwan. At dito na nga nagsimula ang pag-usbong ng kanilang love team sa telebisyon at sa pelikula.
 
Hindi naman nahirapan ang dalawa sa pagbabagong ito. Katunayan, may naramdaman naman daw talaga siyang pagkagusto kay Mahal.
 
“Okay lang sa akin. Gusto ko nga ligawan si Mahal, eh,” pahayag niya sa programa ni Rhea Santos.
 
Pero naudlot ang anumang namamagitan sa kanila nang biglang tumigil sa showbiz si Mura dahil sa tinamong pinsala sa katawan bunga ng isang aksidente noong 2010.
 
Ngayon, nakatira ang 40-anyos na dating komedyante sa Ginubatan, Albay kasama ang kaniyang pamilya, at dito ay bumalik siya sa simpleng pamumuhay.
 
Bukod sa pagtatanim ng gulay, gumagawa rin ng uling si Mura na kaniyang ikinabubuhay.
 
Sa kabila nito, hindi pa rin nakakalimutan ni Mura ang showbiz.  Nais nga niyang mabigyan ng pagkakataon na makabalik sa pag-aartista para matulungan ang kanyang pamilya at mga kaanak sa probinsya.
 
“Minsan nga, nagbabakasali ako at nagte-text pa rin ako sa mga kakilala ko," ani Mura.

At hiling niya sa mga dating nakasama sa showbiz, "one chance" para maipakita kung ano ang puwede niyang magawa para makapagpasaya muli ng mga manonood. -- FRJ, GMA News