'Pabebe girl warriors', nagpasalamat sa natanggap nilang suporta
Kung mataray ang dating nila sa kanilang viral video sa internet kung saan binansagan silang "pabebe girl warriors," malumanay naman silang nagpasalamat sa natanggap nilang suporta sa netizens at maging sa ilang celebrities.
Paglilinaw ng 12-anyos na si Janet Ricabo, scripted at utos lang ng isa nilang kapitbahay na kumuha ng video ang ginawa nilang kunwari'y pagmamaldita at pagtataray.
"Ano lang po 'yon, drama-drama lang po. 'Di po 'yon totoo," paliwanag naman ng 11-anyos na si Michelle Alfonso sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes.
Nakapanayam at pumayag na makunan ng camera na mga menor de edad na sina Janet at Michelle sa pahintulot ng kanilang mga magulang.
Pag-amin ng dalawa, dahil sa kunwaring pagtataray ay napagsabihan daw sila ng kanilang mga magulang.
Gayunman, hindi raw nila akalain na papatok sa internet ang kanilang video at magiging daan para makilala sila.
Katunayan, ilang celebrities na rin ang nag-spoof at gumaya sa kanilang video tulad ng Eat Bulaga host na si Wally "Lola Nidora" Bayola at Maine "Yaya Dub" Mendoza.
Kaya naman nagpasalamat sila sa mga tumangkilik sa kanilang video at maging sa mga nanggaya sa kanila.
Napaulat nga sa Philippine Entertainment Portal na inimbitahan ni Vice Ganda ang dalawa para makasama sa ginagawa nitong music video.
Sa gitna ng tagumpay ng video ng pabebe girls warrior, nagpaalala ang isang sociologist, na dapat gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak kapag nag-uupload ng video sa social media dahil baka sila mahusgahan o ma-misinterpret ng ibang makakapanood.
Katunayan, bago kagiliwan ng marami ang viral video ng pabebe girl warriors, marami ang nainis sa kanila at nam-bash dahil inakalang sadyang nagmamaldita sila.
"Nandun yung ating responsibilidad kung anong mensahe ang gusto nating ipahiwatig," ayon sa sociologist na si Luis Buenaventuraaniya.
Dagdag niya, "Sa mga ganito, kailangan ang magulang pumasok."
At nang tanungin kung bakit pumapatok ang mga ganitong video, paliwanag ni Buenaventura: "Kasi nakikita ko ginagaya ng iba, minsan katuwaan, minsan trip lang. At dahil katuwaan, trip lang, nagiging nakakatawa." -- FRJ, GMA News