Mahal, bumuhos ang luha sa pumanaw na dating nobyong si Jimboy Salazar
Hindi napigilan ni Mahal na umiyak ang hingan ng Startalk ng pahayag tungkol sa pagpanaw ng kaniyang dating ka-love team at nobyo na si Jimboy Salazar.
Sa episode ng Startalk nitong Sabado, July 25, sinabi ni Mahal na nalaman niya ang pagpanaw ni Jimboy nang may mag-tag sa kaniya sa Facebook tungkol sa balitang binawian na ng buhay ang dating kasintahan.
Basahin: Jimboy ni Mahal noon, 'Jimgirl' na ni John ngayon
"Hindi ako makapaniwala, alam ko pupunta pa kami diyan, gusto kong pumunta. Pupunta kami hihintay naming gumaling," anang aktres.
"Salamat sa pag-aala mo and sa pagbili mo ng pasalaubong. And sana, tawag dito...," napatigil na si Mahal at bumuhos na ang kaniyang luha.
"Hindi ko kaya ang nangyaring 'yon... hindi ko akalain na mawawala si Jimboy ngayon," patuloy ni Mahal.
Pumanaw nitong Biyernes dahil sa sakit ang 42-anyos na si Jimboy, dating singer at miyembro ng sikat na youth program noong 1980's na That's Entertainment, kung saan host si German "Kuya Germs" Moreno.
"Sana natanggap mo na si Jesus Christ, salamat sa pag-alaga," dagdag ni Mahal.
Labis din na nagdadalamhati si Kuya Germs sa nangyari sa kaniyang anak-anakan sa That's na si Jimboy.
"Nunang napalathala na may karamdaman, ganun at nangangayayat na, nalulungkot ako...hanggang sa may balita na sumakabilang-buhay na," ayon sa Master Showman.
"Sa ating Panginoon, nawa'y tanggapin ninyo sa kalangitan ang aking anak-anakan na si Jimboy," dagdag ni Kuya Germs.
Nakaburol ang mga labi ni Jimboy sa San Pedro Chapel sa San Miguel, Bulacan, at sa Martes itinakda ang kaniyang libing. -- FRJimenez, GMA News