PHOTO GALLERY: GMA Network celebrates 65th year with Grand Fans' Day
Naging matagumpay ang pagdiriwang ng ika-65 anibersaryo ng Kapuso station nitong nakaraang Linggo, July 26, sa idinaos na Grand Fans' Day sa Mall Of Asia Arena. Ito ay bilang pasasalamat sa walang humpay na suporta at pagtangkilik ng publiko sa mga programa at iba pang proyekto ng GMA Network sa loob ng maraming taon.
Dumalo sa naturang pagdiriwang ang mga pinuno ng network na sina GMA Network Chairman at CEO Atty. Felipe L. Gozon and GMA Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, pati na ang mga haligi ng pagbabalita mula sa GMA News and Public Affairs na sina Mel Tiangco, Jessica Soho, Arnold Clavio, Vicky Morales at Howie Severino.
Kabilang din sa nagpasaya sa mga Kapuso ang mga bida ng ilan sa hit teleserye, gaya ng “Healing Hearts,” “The Half Sisters,” “Pari 'Koy,” “The Rich Man's Daughter,” “Yagit,” at “My Mother's Secret.”
Nakisaya rin ang mga top Kapuso performers mula sa weekend musical variety show na “Sunday All Stars,” at ang mga bida ng comedy sitcoms na “Vampire Ang Daddy Ko” at “Ismol Family,” pati na ng longest-running gag show na “Bubble Gang” at ang mga Dabarkads mula sa longest-running noontime show na “Eat Bulaga.”
Hindi rin nagpahuli ang mga bumubuo ng programa ng GMA News TV tulad ng “Idol Sa Kusina,” “Pinoy MD,” at “Taste Buddies.”
Nagbigay din ng kasiyahan sa fans ang mga Kapuso artist na bibida sa upcoming Kapuso shows sa pamamagitan ng kani-kanilang production numbers.
Naroon sa programa sina Comedy Queen AiAi Delas Alas, Alden Richards, Julie Anne San Jose, Valeen Montenegro at Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ng “Sunday Pinasaya.” Kasama rin ang mga bibida sa bagong Primetime offerings ng GMA na “Beautiful Strangers,” “Buena Familia,” at ang ikalawang Pinoy adaptation ng hit Mexican series na “MariMar.”
Bukod sa mga production numbers, nagkaroon din ng pagkakataon ang ilang masuwerteng Kapuso fans na maging bahagi ng “Meet and Greet” event ng ilan sa pinakamalalaking artista ng Kapuso station.
—Bianca Rose Dabu/Jessica Bartolome/JST/FRJ, GMA News