ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

WATCH: Ina at ex-bf ni Jimboy, nagsalita tungkol sa sakit ng pumanaw na singer


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos pumanaw noong nakaraang linggo si Jimboy Salazar, kumalat ang mga espekulasyon na baka Acquired Immunodeficiency Syndrome o AIDS ang naging sakit ng dating That's Entertainment member.

Sa naging huling panayam ng Startalk kay Jimboy isang araw bago siya binawian ng buhay, nabanggit ng dating mang-aawit ang "kulam" na posibleng dahil ng kaniyang sakit.

Humingi siya ng patawad sa isang bakla na hindi niya pinangalanan na hinihinala niyang nasa likod ng pagkulam umano sa kaniya.



Matapos mailibing si Jimboy, pinuntahan at nakapanayam ng Startalk si John Danan Dungca na naging karelasyon ng namayapang singer.

Ayon kay John, nalaman niya ang pagpanaw ni Jimboy pero hindi na siya nakapunta sa burol nito dahil may kaanak din siyang namatay.

Hindi naniniwala si John na AIDS ang ikinamatay ng dating nobyo dahil pinayagan pa kasi itong makalabas ng ospital nang maka-confine ng ilang araw at nakapanayam ng Startalk.

"One week siya sa hospital ibig sabihin ite-test lahat 'yan so makikita nila dun kung positive siya (sa AIDS)," ani John.

"Alam ko ika-quarantine na yung mga ganyan (kung positive), hindi na siya palalabasin, e nakalabas pa siya ng ospital kaya hindi po ako naniniwala na AIDS po 'yon," paliwanag pa niya.

Dagdag pa ni John, diabetic si Jimboy.

Pero kung sakaling nagkaroon daw ng AIDS ang dating nobyo, handa raw niyang tanggapin kung naipasa ito sa kaniya.

"Kung may AIDS po talaga siya automatically, sigurado mahahawahan ako nun...tanggapin ko kasi minahal ko naman si Jimboy," pahayag nito.

Nakiusap din si John sa mga tao na respetuhin si Jimboy.

"Gusto ko ring iparating sa mga tao, yung mga nababasa ko rin po na mga comment nila sa mga Youtube, ang sasakit ng mga pinagsasabi," aniya. "Patay na po yung tao sana respetuhin na lang po natin siya."

Hinanakit ng ina

Nakapanayam din ng Startalk ang ina ni Jimboy na si nanay Delia Sta. Maria at hindi niya napigilang maglabas ng sama ng loob sa mga nagbabalitang AIDS ang ikinamatay ng anak.

Ayon kay nanay Delia, maayos ang pakiramdam ni Jimboy ng umaga nang araw na biglang binawian ng buhay ang anak.

Sinabi nito na naniniwala si Jimboy na kinukulam siya kaya sa albularyo at hindi ito sa ospital nagpapadala.

"Galit na galit ako kung sinoman yung sumulat na 'yon (na may AIDS si Jimboy)," pahayag ni nanay Delia. "Makonsensiya siya. Yung anak ko nananahimik."

Paliwanag pa ni nanay Delia, walang sinabi ang duktor tungkol sa sakit na AIDS nang unang magpatingin ang kaniyang anak.

"Sana wag niyo na kaming gawing isyu..maawa kayo sa akin hindi ako showbiz," pakiusap ng ina. "Wala na yung anak ko nasa itaas na, patahimikin niyo po siya." -- FRJ, GMA News