Filtered By: Showbiz
Showbiz

Rocco Nacino joins mom, a breast cancer survivor, in cancer campaign


 
 
 
 
 
 
 
Kabilang ang Kapuso actor at “Beautiful Strangers” star na si Rocco Nacino sa mga celebrity ambassadors ng kampanyang “I Share The Fight Against Breast Cancer: Run for a Purpose with Avon,” kasama ang kaniyang ina na si Linda Nacino na isang breast cancer survivor.
 
Taong 2005 nang gumaling ang ina ng aktor mula sa iniindang sakit na breast cancer, at simula nga noon ay taon-taon nang nagdaraos ng thanksgiving at outreach program si Rocco at ang kaniyang pamilya.
 
Ngayong taon, bilang bahagi ng nasabing kampanya ng Avon Philippines, nagbalik sa pagiging nurse ang aktor at nakiisa sa duty ng Breast Care Center nurses sa Philippine General Hospital
 
"Missed my Nursing duties. It was a great feeling to be back at giving care to patients and putting a smile on their faces. Thank you @AvonPh for making me an Ambassador in their campaign in their fight against cancer. #IShareTheFight #KGBC," ani Rocco sa isang Instagram post. 
 
Dagdag pa niya, “ Enjoyed this campaign as we got to help patients feel better while at the clinic. Nakapag-charting ako, nakapag-prepare ng IV at nag-perform ng Biopsies sa mga pasyente.. Nakakamiss! Felt good doing this for our cancer patients!” 
 
Kaugnay nito, hindi itinatanggi ng aktor na pangarap niya pa rin maging isang doktor at plano niyang tuluyang pumasok sa medical field sa hinaharap.
 
Magaganap ang “Run for a Purpose” ng Avon bilang suporta sa mga biktima ng breast cancer sa darating na October 10, 2015 sa SM Mall of Asia Grounds.
 
Maaaring maging bahagi nito sa pamamagitan ng pagpapalista sa Chris Sports outlet sa SM City BF, Glorietta 3, SM Mall of Asia, SM City North EDSA at SM Megamall, o sa Secondwind running stores sa Ortigas Home Depot at UP Teacher’s Village. 
 
Maaari ring mag-log in sa www.avon.com.ph.
 
Katuwang ng Avon Philippines sa kampanyang ito ang Philippine Cancer Society, GMA Network, SM Mall of Asia, SM Cares, UnitedHealth Group, Ford Philippines, at Chris Sports. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News