Filtered By: Showbiz
Showbiz

Gaganap na bidang transwoman sa Kapuso series na 'Destiny Rose,' napili na


Ang Kapuso young actor na si Ken Chan ang napiling gumanap sa role bilang isang transwoman sa upcoming teledrama ng GMA na "Destiny Rose."

Sa "Starbites" report ni Lhar Santiago sa GMA News TV's Balitanghali nitong Martes, sinabing hindi inakala ni Ken na audition na pala para sa nabanggit na role ang kaniyang pinuntahan nang ipatawag siya ng GMA.



Nagulat umano ang aktor dahil marami ang ipinagawa sa kaniya at sa iba pang nakasabay na Kapuso actors.

Hinahanap na pala sa sandaling iyon ang gaganap na bida sa bagong afternoon prime soap na "Destiny Rose, ang istorya ay tungkol sa isang transgender woman.

"Talagang full make-over and ginawa sa amin. Tapos pinaglakad kami, pina-arte kami, tapos pinaiyak din kami," kuwento ni Ken.

Sa huli, nakuha ni Ken ang lead role bilang si Destiny Rose kaya naman kaagad siyang naghanda. Kabilang na rito ang pagpapapayat, at pag-aaral kung ano ang uri ng personalidad ng isang transgender.

"Inaral ko talaga lahat, kilos, yung galaw, yung ugali nila. How they move, yung mga mannerisms so lahat 'yon inaral ko," anang aktor.

Nakisalamuha at nakipag-usap din umano si Ken sa mga transwomen para maging makatotohanan ang kaniyang paggamit sa role na gagampanan.

Magiging love interest ni Ken sa "Destiny Rose" ang karakter na gagampanan ng Kapuso hunk na si Fabio Ide.

"Just have to probably do some workshop just to break that wall between...like, being two guys who will be in love. But I think it's gonna be good," ani Fabio. -- FRJ, GMA News