Frankie, nagpaalam na; Lola, may bagong mga challenge para kay Alden
Matapos mawalan ng bisa ang kasal niya kay Yaya Dub nitong Sabado, nagpaalam na si Frankie Arinoli mula sa kalye-serye ng Eat Bulaga ngayong Lunes.
Pero kahit nawala na ang matinding karibal ni Alden para kay Yaya, tila hindi pa rin tapos ang mga hamon na dapat harapin ng binata.
Ayon kay Lola Nidora, magbibigay pa siya ng bagong mga challenge upang subukan ang pag-ibig ni Alden kay Yaya.
Matatandaang unang binigyan ng challenge ni Lola si Alden dalawang Sabado na ang nakakaraan, at nakumpleto naman ito ng binata.
Samantala, malaking problema pa rin ni Lola ang banta ng paglalabas ng laman ng kaniyang diary.
Lumabas na sa social media ang ibang laman nito, tulad ng piktyur niya noon na kasama umano si Adolf Hitler.
Ano kaya ang magiging challenge ni Lola para kay Alden? Abangan ngayong Martes sa pagpapatuloy ng Eat Bulaga. - JST, GMA News