ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor at anak na si Lotlot de Leon, magsasama sa isang indie film


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos silang magkatrabaho sa isang drama anthology sa Kapuso Network nitong Hunyo kasama si Janine Gutierrez, nakatakda namang magsama sa isang independent film ang mag-inang Nora Aunor at Lotlot de Leon. 
 
Bibida ang Superstar at ang kaniyang anak sa “Kabisera,” isang pelikulang hango sa tunay na buhay ng isang Batangueño. 


 
Ayon kay Lotlot sa panayam ng 'Unang Hirit' nitong Miyerkules, mas naging komportable na raw sila ng kaniyang ina sa isa't isa bilang magkatrabaho sa tulong na rin ng ilang showbiz projects na kanilang pinagsamahan.

“Siyempre meron pa ring kaba, pero mas komportable na kami ngayon,” aniya.
 
Masaya rin siyang lumaki bilang anak ng Superstar dahil marami siyang natutuhan dito bilang isang artista.
 
Paliwanag niya, “Mahal niya ang trabaho niya, kaya noong simula nang magseryoso ako sa pagiging artista, 'yun lang ang nasa isip ko. Kais sabi ni Mommy, kailanga mahalin mo ang trabaho mo. Kailangan 'yung pinasok mo, panindigan mo. Kung may gagawin ka, gawin mo nang tama.”
 
Proud na ina naman raw si Nora dahil bukod sa pagiging magaling na artista ay lumaki ring mabuting tao ang kaniyang anak.
 
Bukod sa pagbibidahang independent film, abala rin ngayon ang batikang aktres sa iba pang projects niya na dapat abangan sa Kapuso Network.
 
“May mga gagawin ako sa TV sa GMA-7. Parang ibabalik 'yung 'Makulay Na Daigdig ni Nora,'” kwento ng Superstar. -- Bianca Rose Dabu/FRJ, GMA News