'AlDub' support, hangad ni VP Binay sa kaniyang kampanya
Batid ni Vice President Jejomar Binay ang kasikatan ngayon ng "AlDub" tandem nina Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza. Kaya naman hangad niya na makuha ang suporta ng dalawa sa darating na kampanya sa darating halalan.
"Sana si AlDub," tugon ni Binay nang tanungin ng mga mamamahayag kung sinong mga celebrity ang nais niyang maging bahagi ng kaniyang kampanya.
Itinuturing phenomenal tandem ang "AlDub" na napapanood sa tinatawag na kalyeserye ng Eat Bulaga.
Gayunman, nauna nang sinabi ni Senador Vicente Sotto III, na isa rin sa mga host ng Eat Bulaga, na hindi mag-eendorso ng kandidato ang "AlDub" sa 2016 election, alinsunod sa napagkasunduan ng pamunuan ng sikat na noontime show.
Samantala, inihayag din ng pangalawang pangulo na nais niyang si Alden ang gumanap sa kaniya kapag isinapelikula ang kaniyang buhay.
"Sa sine, wala namang imposible, itinutugma kung ano yung kailangan," paliwanag ni Binay.
Nang biruin ang pangalawang pangulo kung papaano ang kaibahan nila ni Alden sa kulay ng balat at taas, ipinaliwanag ni Binay na mahalaga na sikat ang artista na gaganap sa pelikula.
"Kaya nabanggit ko [si Alden] kasi sikat na sikat. Importante sa sine yung sikat na artista para at least may crowd na darating dahil sa kaniya," ayon sa opisyal.
Nang tanungin naman kung si Maine ang nais niyang gumanap sa papel ng kaniyang maybahay na si Dra. Elenita, natatawang tugon ni Binay, "Itatanong ko mamaya." -- FRJ, GMA News