Maine 'Yaya Dub' Mendoza, todo pasasalamat sa AlDub nation at Kalyeserye followers
Sa pamamagitan ng post sa kaniyang social media account, ipinaabot ni Maine "Yaya Dub" Mendoza ang lubos-lubos nitong pasasalamat sa mga sumusuporta sa tambalan nila ni Alden Richards at sa kalyeserye ng Eat Bulaga.
Kasabay ng selebrasyon ng "National Pabebe Wave Day" nitong Sabado sa Eat Bulaga, naging matagumpay ang unang pagbisita ni Alden kay Maine sa mansyon ni Lola Nidora.
Bukod sa pagtutok sa telebisyon ng mga Kapuso at EB dabarkads, lumikha ng panibagong record sa dami ng tweets ang AlDub nation na umabot sa mahigit 21 milyon.
Kaya naman ipinarating ni Maine ang kaniyang kaniyang Twitter post ang lubos na pasasalamat sa mga sumusuporta sa AlDub at sa kalyeserye.
"Maraming maraming maraming salamat po sa mga sumusubaybay sa kalyerserye at sa mahigit 20M tweets ngayong araw. Sobrang masaya kami ni Alden sa pagmamahal at suportang ibinibigay nyo sa Aldub," saad ni Maine.
Patuloy ng dalaga, "Maraming salamat po at huwag sana kayong magsawang suportahan ang Eat Bulaga at ang kalyeserye. Wala kaming ibang hangarin kundi magbigay ng SAYA sa inyong mga manonood."
Aminado si Maine na hindi nila makakamit ni Alden ang tagumpay kung wala ang suporta ng kanilang mga tagahanga.
Mahigit dalawang buwan pa lang mula nang aksidenteng mabuo ang kanilang tambalan ni Alden, nakagawa na sila ng ilang commercial na nag-eendorso ng produkto at may pelikula na rin silang ginagawa.
Pahabol ni Maine sa kaniyang post: "Hindi kami aabot sa ganito kung hindi dahil sa inyo kaya buong puso akong nagpapasalamat. Maraming maraming maraming salamat po. AlDub you all! PS, Good vibes lang tayo all the way, ano? Happy happy lang!"
Nag-post din sa kaniyang Twitter account si Joey de Leon para iparating ang pasasalamat sa mga Kapuso at dabarkads na sumusuporta sa kalyeserye.
To those who are INVOLVED and IN LOVE with with Kalyeserye, congratulations, all my best wishes and thank you so much! #ALDubEBforLOVE
— Joey de Leon (@AngPoetNyo) September 26, 2015-- FRJimenez, GMA News