Susunod na date ng 'AlDub', handa raw sagutin ng daddy ni Alden
Gaya ng maraming tagahanga ng phenomenal love team nina Pambansang Bae Alden Richards at Dubsmash Queen Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub, todo rin ang suporta ng ama ng Kapuso heartthrob na si Richard Faulkerson, Sr. at isa rin siya sa mga aktibong nagtu-tweet tungkol sa AlDub.
Nitong Martes, marami ang natuwa sa tweet ng binansagang “Daddy Bae” patungkol sa maaaring susunod na date ng AlDub.
Matatandaang labis na pinag-usapan ang “home date” ng dalawa kung saan bumisita si Alden sa mansyon ni Lola Nidora sa kauna-unahang pagkakataon, at nakalikom pa nga ito ng higit sa 25 million tweets sa loob lamang ng 24 oras.
Gaya ng marami, umaasa ang ama ni Alden na masusundan pa ito, at excited na rin siyang malaman kung saang lugar naman gaganapin ang susunod na date.
Aniya pa, kung kinakailangan daw na siya ang sumagot sa gastos para sa susunod na date upang matuloy lamang ito ay gagawin niya.
Kelan at saan ang susunod na date? sa theme park? pwede! lapit sa bahay namin yun! Fantastic Baby! #ALDUBTheVoiceWithin
— Richard P Faulkerson (@r_faulkerson) September 29, 2015 Sagot ko gastos matuloy lang yan! charing! #ALDUBTheVoiceWithin
— Richard P Faulkerson (@r_faulkerson) September 29, 2015Nitong Miyerkules, ipinagtapat na ni Alden kay Lola Nidora ang hindi sinasadyang pagsuway nila ni Yaya Dub sa “No Touch” rule nang mahawakan ni Yaya ang kamay niya dahil nasamid ito at kinailangang uminom ng tubig mula sa basong hawak niya.
Nagalit man si Lola, napatawad niya rin ang dalawa dahil sa ginawa nilang pag-amin. Bukod dito, in good mood si lola dahil weeksary ng AlDub sa Huwebes.
Pero binawi ni Lola Nidora ang ireregalo sana niya sa dalawa na payagan silang manonood ng sine at kakain sa labas nang walang ibang kasama. -- FRJ, GMA News