ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alden Richards on Baste kissing Maine: 'Uy, ako naman'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Balik-Pilipinas na ang Pambansang Bae na si Alden Richards mula sa matagumpay na Kapusong Pinoy concert nitong nakaraang linggo kasama si Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas at Soul Diva Aicelle Santos.
 
Nagpapasalamat ang tatlo sa mainit na pagtanggap sa kanila ng mga Pilipino sa Japan, lalo na't nag-sold out ang tickets sa kanilang event.
 
Ayon kay Alden sa panayam ng 'Walang Siesta' sa dzBB, “Sobrang nakakatuwa po kasi ang lakas ng GMA sa Japan. Sold out ang tickets saka nag-enjoy ang lahat. Nagpapasalamat kami sa lahat ng ating Kapuso na nagpunta doon. Iba talaga ang Pinoy ‘pag nasa abroad.”
 
Dagdag pa niya, nagkaroon din daw siya ng pagkakataon maglibot sa naturang bansa at labis na humanga sa magagandang tanawin nito. 
 
“Napakaganda ang lugar… talagang isa 'yun sa napakagagandang bansa na napuntahan ko kaya siguradong babalik ako doon,” aniya.
 
Hindi naman itinanggi ng Kapuso heartthrob na nami-miss niya na ang Eat Bulaga, lalong-lalo na ang pinagbibidahan niyang Kalyeserye kasama ang Dubsmash Queen na si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub.
 
“Lahat ng Eat Bulaga family ay nami-miss ko at mga fans ko na matagal ko nang di nakikita,” paliwanag niya.
 
Nang tanungin naman kung may pasalubong siya kay Maine, maikling sagot ni Alden: “Secret!”
 
Inamin rin niya na updated siya sa mga kaganapan sa Eat Bulaga at Kalyeserye sa pamamagitan ng Youtube videos at social media posts.
 
Nakita raw niya ang sunod-sunod na posts ng AlDub Nation tungkol sa pagiging close nina Yaya Dub at ng Pambansang Baeby na si Baste, aniya sa panayam ng 24 Oras nitong Martes.
 
Mensahe ng Pambansang Bae kay Baste: “Okay lang 'yun. Ang cute cute nga. Tuwang-tuwa ako sa pictures sa social media. Pero, uy, ako naman.” —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News