Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ilang Kapuso stars, kasali sa mga pelikulang kalahok sa QC Film Festival 2015


Ilan sa mga pelikulang kalahok sa gaganaping Quezon City Film Festival 2015 ang kinabibilangan ng mga Kapuso star. Samantala, ang pelikula tungkol sa buhay ng namayapang aktor na si Rudy "Daboy" Fernandez ang magiging pambungad ng festival na magsisimula sa Oktubre 22.
 
Ang biography film tungkol kay Daboy na, “The Last Pinoy Action King,” ay gawa ng Australian filmmaker na sina Andrew Leavold at Daniel Palisa.

Makikita rito ang mga film clips, interviews at kuwento ng mga malalapit na tao tungkol sa buhay ng batikang aktor na pumanaw noong 2008 dahil sa sakit na cancer.

Kalahok din sa festival ang "Matangtubig," "Apocalypse Child," "Sleepless," "Gayuma," " Patintero: Ang Alamat ni Meng Patalo," "Kapatiran," "Iisa," at "Water Lemon."

Ang "Apocalypse Child" ay pinangungunahan nina Sid Lucero at Gwen Zamora, habang bida naman sa "Sleepless" sina Glaiza De Castro at Dominic Roco.



(Photo from the movie 'Apocalypse Child')

Mapapanood naman sa "Gayuma" sina Benjamin Alves at Phoebe Walker, habang kabilang sa "Iisa" sina Angeli Bayani, Rio Locsin, at Mon Confiado.

Kasama naman sa "Water Lemon" sina JunJun Quintana, Tessie Tomas, Meryll Soriano at Alessandra de Rossi.

Mapapanood ang mga pelikulang kalahok sa QC Film Festival 2015 sa Gateway Cinema simula Oktubre 22 hanggang Oktubre 24. -- FRJ, GMA News