ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ilang Kapuso celebrities, nakaranas din daw ng kababalaghan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Gaya ng ibang tao, nakaranas din daw ng mga hindi maipaliwanag na pangyayari at nakatatakot na karanasan ang ilang Kapuso celebrities.

Sa "Chika Minute" report ni Cata Tibayan sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Roadfill Macasero ng comedy duo na Moymoy Palaboy na sadya raw siyang lapitin ng mga espiritu.



Aniya, madalas daw siyang binabangungot sa dati nilang bahay kaya may kinabisa siyang dasal na pangontra sa kung anoman ang gumagambala sa kaniya.

Minsan ay nawawala raw siya sa pagdarasal kapag naririnig at ginugulo ng maliliit na tinig ang kaniyang kinabisang panalangin.

Pero ipinagpapatuloy daw ni Roadfill ang pagdarasal pero ang sarili nang panalangin at mula sa puso ang kaniyang binibigkas sa halip na ang kinabisa.

"Feeling ko kaya hindi sila tinablan dahil yung kinabisang (kong) dasal wala sa puso ko yung pagdarasal nun," pahayag niya.

Ayon naman kay Kylie Padilla, may kakayahan siyang makakita ng mga kaluluwa at mahilig siya noon na mag-ghost hunting.

At sa isa nilang ghost-hunting ng kaibigan, may narinig daw silang tinig gayung wala naman silang ibang tao na nakikita sa lugar. Dahil dito ay naniniwala raw silang may kaluluwa sa kanilang paligid nang sandaling iyon.
 
Tuwing Undas, nagsisindi raw sila ng mga kandila sa bahay sa paniwalang nakakatulong ito para makahanap ng kapayapaan ang mga kaluluwang ligaw.
 
Sinabi naman ni Bobby Andrews na kinilabutan siya nang sapian umano ng kaluluwa ang kasama nilang crew habang nasa shooting ng isang horror film sa Baguio city.

Nag-iba raw ang boses at kung ano ang sinasabi ng sinapiang crew, na ayon daw sa albularyo ay sinaniban ng kaluluwa na nagambala sa ginagawa nilang shooting. -- FRJ, GMA News