'Apocalypse Child’, hinirang na Best Picture sa QCinema Int'l Film Festival 2015
Ang pelikulang ‘Apocalypse Child’ na pinagbibidahan nina Sid Lucero at Gwen Garcia ang hinirang na Circle Competition Best Picture sa awarding ceremony ng QCinema International Film Festival na ginanap sa bagong Quezon City Interactive Museum nitong Miyerkules ng gabi.
Nauwi rin ng ‘Apocalypse Child’ ang parangal para sa Best Director (Mario Cornejo); Best Supporting Actress (Annicka Dolonius), at Best Artistic Achievement (Lawrence Ang).
Ginampanan ni Sid ang karakter ng isang surfing instructor sa Baler, Aurora na naniniwalang anak siya ng batikang Hollywood director na si Francis Ford Coppola, na nag-shooting noon ng pelikulang "Apocalypse Now" sa nabanggit na lugar.
Bagaman comedy ang tema ng pelikula, tinalakay dito ang usapin ng pagkakaibigan, katapatan at paghahanap sa tunay na katauhan.
Basahin: Sid Lucero, surfing instructor sa film fest movie na 'Apocalypse Child'
Itinanghal naman si Tessie Tomas na Best Actress para sa pelikulang "Water Melon," habang si Dominic Roco naman ang kinilalang Best Actor para sa pelikulang "Sleeples," na ginawaran din ng NETPAC Jury Prize for Best Picture.
Ang batikang movie at theater actor na si Lou Veloso ang itinanghal na Best Supporting Actor para rin sa pelikulang "Water Melon," na nagkamit din ng parangal na Best Screenplay para kay Lilit Reyes.
Ang "Patintero: Ang Alamat ni Meng Patalo" ni direk Mihk Vergara ang tumanggap ng Audience Choice at Gender Sensitivity awards.
Ang NETPAC Jury Prize for Best Documentary ay ibinigay naman sa docu film ni Sheryn Dayoc na, "Crescent Rising." na tumalakay sa usapin ng mga kapatid na Muslim.
Mapapanood pa rin ang mga pelikulang kalahok hanggang October 31 sa Trinoma, Gateway Mall, at Robinsons Galleria.
Basahin: Ilang Kapuso stars, kasali sa mga pelikulang kalahok sa QC Film Festival 2015
-- FRJ, GMA News