Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lola Nidora, sinermonan ang mga hacker


Hindi lingid sa kaalaman ng marami na na-hack ang Twitter account ng Dubsmash Queen at Kalyeserye sweetheart na si Maine Mendoza nitong Martes ng madaling araw.

Dahil dito, matamlay ang mood ng dalaga sa episode ng Kalyeserye sa Eat Bulaga.

Nagbigay rin ng sermon si Lola Nidora sa lahat tungkol sa kahalagahan ng pagrespeto sa pribadong buhay at pagmamay-ari ng ibang tao.

Inihalintulad niya sa trespassing sa bahay at lupain ang nangyaring hacking sa Twitter account ni Yaya Dub.

Paliwanag ng matanda, “'Yung mga Twitter ninyo, parang bahay niyo na rin 'yan. Nandoon ang inyong saloobin — saya, lungkot, at lahat ng iniisip. Huwag na huwag naman tine-trespassing. Hindi maganda 'yan. I-respeto ang mga pribadong gamit, ari-arian, at mga pansariling bagay.”

 

 

Ipinaalala niya rin ang kahalagan sa pag-respeto ng karapatang pantao, kabilang na ang karapatan sa privacy.

“Parang bahay lang 'yan. Kapag humingi ka ng permiso, papapasukin ka naman. You're welcome. Pero kapag walang permiso, hindi na maganda 'yun,” paliwanag pa ni Lola Nidora.

 

 

Maging ang AlDub Nation ay may mensahe sa mga hackers ng Twitter account ni Maine, na kabilang umano sa grupong Anonymous Philippines.

Nagpasalamat rin sila sa mensaheng ipinarating ni Lola Nidora sa lahat tungkol sa pag-respeto ng privacy ng bawat tao.

 

 

—Bianca Rose Dabu/JST, GMA News