Nora Aunor on being a certified Kapuso: ‘Kakaririn natin ‘yan’
Hulyo ng taong ito nang unang lumabas sa isang Kapuso show ang Superstar na si Nora Aunor para sa isang episode ng GMA Public Affairs show na “Karelasyon” kung saan nakasama niya ang anak na si Lotlot de Leon at ang apong si Janine Gutierrez.Nasundan agad ito ng pagiging bahagi niya ng GMA Primetime series na “Pari 'Koy” at ng realit-based drama anthology na “Magpakailanman.”
Bago matapos ang taon, nakatakda namang bumida si Nora sa pinakabagong Kapuso teleserye na “Little Nanay,” kung saan makakasama niya si Kris Bernal, Chlaui Malayao, Eddie Garcia, Bembol Roco, at marami pang iba.
Dahil sa sunod-sunod niyang projects sa GMA Network, marami tuloy ang nagtatanong kung tuluyan na nga ba siyang magiging isang Kapuso.
Sagot ng Superstar sa panayam ng GMANetwork.com, "Titignan natin 'yan. Kakaririn natin 'yan,"
Nagpapasalamat si Nora dahil bukod sa magagandang projects na ibinibigy sa kaniya, bigatin rin ang mga artistang nakakasama niya.
“Isang malaking karangalan na makasama ko si Tito Eddie sapagkat siya 'yung aking tinitingala at iniidolo. 'Tsaka talagang humahanga ako sa kanya hindi lamang sa kanyang pag-arte, hindi lamang sa pagiging artista kung 'di maging sa pagkatao niya,” aniya.
Kaabang-abang ang magiging pagganap ni Nora sa “Little Nanay” dahil kaiba ito sa mga nakagisnan ng lahat na heavy drama roles.
Sa pagkakataong ito, magkasamang magpapakita ng kanilang husay sa pagpapatawa at pagbibigay ng kakaibang saya sa mga manonood ang Superstar at si Eddie.
Gaganap bilang Lola Annie Batongbuhay ang Superstar, isang cool retro lola na nakikipag-jamming at tumutugtog pa rin sa mga gig kasama ang kaniyang banda.
Sa kabilang banda naman, bibigyang-buhay naman ni Eddie ang karakter ni Don Miguel Valle, ang nawawalang lolo ng bida na si Tinay, na gagampanan naman ng Kapuso host and actress na si Kris Bernal.
Bukod kay Kris, Chlaui, Nora, Eddie at Bembol, kabilang rin sa star-studded cast ng pinakabagong aabangang Kapuso Primetime teleserye sina Keempee De Leon, Gladys Reyes, Mark Herras, Hiro Peralta, Renz Fernandez, Juancho Trivino, at Sunshine Dizon. -NB, GMA News