Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kalyeserye Recap: Ang pagbabalik ni Lola Tinidora


Sa pagpapatuloy ng Kalyeserye ngayong Martes, napag-alaman ng mga Dabarkads na muntik nang masunog ang mansyon dahil sa mura ngunit pekeng Christmas lights na binili ni Rihanna.

Paalala tuloy ni Lola Nidora, mag-ingat sa lahat ng bibilhin ngayong panahon ng Kapaskuhan upang maging maligaya lamang ang lahat.

Ngayong wala nang hadlang sa pagmamahalan ng AlDub, patuloy sila sa kanilang lambingan at mga biruan, kasabay ng pagsulat ni Yaya Dub ng kaniyang sariling autobiography.

 

 

Bukod sa pagpapasaya at pagpapakilig nina Lola Nidora at ng AlDub, nasorpresa rin ang lahat nang tumawag si Lola Tinidora upang sabihing darating na muli siya sa barangay.

Matatandaang ilang linggong nawala ang kapatid nina Lola Nidora at Tidora, at ngayong balik-Kalyeserye na ito, ipinaalam niya sa lahat na nanggaling siya ng iba't ibang lugar tulad ng Cebu at Amerika upang magbakasyon.

Bukod sa mga pasalubong na pagkain para sa kaniyang mga kapatid at kay Yaya Dub, may dala-dala ring mga kuwento si Tinidora, kabilang na ang muling pagkikita nila ng dati niyang kasintahan na si Bill.

Gayunpaman, ang masayang reunion ay biglang naging malungkot nang umiyak si Lola Tinidora dahil sa isa pang kuwento na nais niyang ibahagi sa kaniyang pamilya.

Bago pa man maikuwento ito ng matanda, tumunog na ang busina na hudyat ng pagtatapos na Kalyeserye.

 

 

—Bianca Rose Dabu/JST, GMA News

Tags: aldub, eatbulaga