ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
KALYESERYE WEEKLY RECAP

Ang pagbabalik ni Tinidora at ang extreme ride nina Alden at Yaya Dub


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maliban sa health problem ni Lola Nidora na hinimatay sa kalyeserye, maayos ang lahat kina Alden at Yaya Dub. Bukod sa nakita na ni Alden ang nawawalang singsing ng tunay na pag-ibig,  nakapamasyal din sila sa unang pagkakataon sa isang theme park kung saan nasubok ang tatag ni Yaya Dub sa isang extreme ride.

Matapos iurong ni Lola Babah ang Alden-Cindy wedding noong nakaraang Sabado, ipinagdiwang nina Alden at Yaya Dub nitong Lunes ang kanilang weeksary.

Niregaluhan ni Alden ng mga lobo si Yaya Dub na kanilang pinalipad na simbulo ng pagpapakawala ng lahat ng masasamang nangyari sa kanilang pagmamahalan.

Kinabukasan, opisyal nang nagbalik si Lola Tinidora sa kalyeserye. Bagaman masaya siya sa kaniyang pagbabalik dahil nakasama muli ang mga mahal sa buhay,  bitbit din siyang malungkot na kuwento.


Pagkaraan ng ilang linggo mula nang mawala, nakita na ni Alden ang singsing ng pagmamahal na dapat niyang ibigay sa babaeng nais niyang makasama sa buhay. 

Ngayong nakita na ni Alden ang singsing, wala nang magagamit si Lola Nidora na pantapat sa kondisyon ni Lola Babah para hindi mailit ang kanilang masyon.

Kaya naman pagsapit ng Huwebes,  bagaman masaya si Lola Nidora para kina Alden at Yaya Dub, malungkot at problemado siya sa posibleng mangyari sa kanilang mansyon.  Pinayagan din niya ang AlDub na mamasyal sa kauna-unahang pagkakataon.

At kahit tumunog na ang busina na hudyat ng pagwawakas ng episode ng kalyeserye, biglang bumagsak sa sahig mula kaniyang kinauupuan si Lola Nidora.

Marami ang nangamba at nag-akala -- kahit ang EB dabarkads, kung totoong hinimatay si Lola Nidora na ginagampanan ni Wally Bayola.

Sa isang Twitter post, nilinaw ni EB executive Malou Choa-Fagar, na bahagi ng kalyeserye ang pagkakatumba ni Lola Nidora. Nagpasalamat siya sa ipinakitang pag-aalala ng mga tao para kay Wally.

Kinabukasan, wala sa kalyeserye si Lola Nidora, at sa halip ay nakasama ng mga dabarkads ang mayordomang si Rihanna, at ang nagbabalik din na si Doktora the Explorer, na naghahanap daw ng gamot para sa kaniyang Lola Nidora.



Sina Lola Nidora, Rihanna, Doktora de Explorer, at DuhRizz, ay pawang ginagampanan ni Wally.  Kaya naman sa episode ng kalyeserye nitong Biyernes, hindi na kataka-taka na tila nakalimutan ng versatile comedian kung sino ang karakter na ginagampanan niya.


Nitong Sabado, napuno ng kilig ang isang theme park sa Laguna nang mamasyal doon sina Alden at Yaya Dub. Pero sa isang ride na sinakyan nila, tila hindi kinaya ni Yaya Dub ang lula sa isang extreme ride at naiyak ang dalaga.


Nakahanap din ng pagkakataon si Alden para maibigay kay Yaya Dub ang singsing ng pagmamahal na nawala noon ng binata. Nagpalitan ng pangako ang dalawa na maghihintay at iingatan ang naturang singsing.

Pero tila mayroon na namang aberya batay sa natanggap na tawag ni Doktora The Explorer.

-- FRJ, GMA News

Tags: kalyeserye