Filtered By: Showbiz
Showbiz
WATCH

Kapuso stars and their non-showbiz dreams


 
Iniidolo man sila ngayon ng marami, ilan sa mga Kapuso stars ang mayroong tinatawag na “secret dream” o ang mga nais nilang gawin sakaling hindi sila nakapasok at nakilala sa makulay na mundo ng showbiz.
 
Kabilang na rito ang Kapuso Primetime Queen at first-time mom na si Marian Rivera, na maaaring maging isang ganap na psychologist dahil nakapagtapos siya ng BS Psychology mula sa De La Salle University-Dasmariñas.
 
Gayundin ang maaaring maging alternate career para sa “Because of You” star na si Carla Abellana, na nagtapos naman bilang Cum Laude sa kursong AB Psychology sa De La Salle University.
 
Kung sakaling hindi siya abala ngayon sa kanyang musika, maaari namang maging isang landscape architect ang Asia's Premier Balladeer na si Christian Bautista, na graduate ng kursong BA Landscape Architecture sa University of the Philippines-Diliman.
 
Isang registered nurse naman ang Kapuso actor at heartthrob na si Rocco Nacino, na nakapagtapos mula sa Mapua Institute of Technology.
 
Nabigyan ng pagkakataon ang aktor na muling ma-practice ang kaniyang pagiging nurse nang mag-volunteer siya sa Philippine General Hospital bilang bahagi ng kaniyang pagtulong sa isang kampanya laban sa breast cancer.  Ayon kay Rocco sa naunang pahayag, nais niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral upang maging isang ganap na pediatrician
 
Nais namang maging piloto ng Pambansang Bae na si Alden Richards, na nakapagtapos ng kursong BS Business Administration sa De La Salle-Canlubang.
 
Gayunpaman, pinagbigyan niya ang kagustuhan ng kaniyang ina na subukan ang pag-a-artista, na siya namang naging daan upang maging isa siya sa pinakakilalang Kapuso actor ngayon sa loob man o labas ng bansa.
 
Maaari naman maging true-to-life ang pagganap ni Kalyeserye sweetheart Maine Mendoza bilang isang chef sa “Princess in the Palace” dahil nakapagtapos ang dalaga ng kursong Culinary Arts sa De La Salle College of Saint Benilde.
 
Sabay ngayong bumibida sina Alden at Maine sa Kalyeserye ng "Eat Bulaga," at sa kaliwa't kanang endorsements at magazine covers. Nakatakda rin silang bumida sa 2015 Metro Manila Film Festival entry na "My Bebe Love" kasama sina Bossing Vic Sotto at Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas. —Bianca Rose Dabu/AT, GMA News