Ano ang kalamangan sa isa't isa ng 'Starstruck' Final 4 para maging 'Ultimate Survivors'?
Sa Sabado, December 19, malalaman kung sino kina Elyson de Dios, Migo Adecer, Ayra Mariano at Klea Pineda ang tatanghaling Starstruck Ultimate Survivors.
Sa live interview sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, tinanong ng Chika Minute host na si Patricia Tumulak, ang apat kung ano ang kalamangan nila sa isa't-isa para makamit ang titulong "Male at Female Ultimate Survivor" na bagong iidolohin ng bayan.
"Simple lang po, puso and determination to win the Starstruck title," ani Elyson.
Tugon naman ni Migo, "Talagang performer ako. So I give all my best, heart and soul until I live, breath and eat what I do."
Sabi naman ni Klea, "I can sing, dance and act po. Ginagawa ko po yung tatlong yon, at yung pagiging determinado ko po sa ginagawa ko."
Naniniwala naman si Ayra na ang "willingness to learn" niya at mahal niya ang kaniyang ginagawa ang magiging kalamangan niya. -- FRJ, GMA News