ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Yearender 2015

Si Lola Nidora at ang 'pagbangon' ni Wally Bayola


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakabawi na. Ganito ang tingin ng marami kay Wally Bayola dahil sa matagumpay niyang pagganap sa kalyeserye ng Eat Bulaga tulad ni Lola Nidora. Matatandaan na ilang buwan ding nawala si Wally sa longest-running noontime show noong 2013 matapos siyang masangkot sa isang eskandalo.

Kasabay ng pagsikat ng tambalang "AlDub" nina Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza sa kalyeserye ng Eat Bulaga nitong nakaraang Hulyo, naging bukang bibig din ang karakter ni Lola Nidora na ginagampanan ni Wally.

Pero bukod sa mga payo at husay sa drama na ipinakita ni Wally bilang si Lola Nidora, ikinatuwa rin ng mga manonood ang galing ng komedyante sa pagbuhay ng iba pang karakter sa kalyeserye na sina Dra Dora de Explorer, Duhrizz at Rihanna.

 


Sa makasaysayang "Sa Tamang Panahon" show ng Eat Bulaga sa Philippine Arena noong Oktubre, nagawa ni Wally na magpalit-palit ng kaniyang karakter nang hindi umaalis ng entablado.

Dahil sa kalyeserye, marami ang nagpapasalamat kay Wally, hindi lang sa mga pangaral na ibinibigay ng kaniyang karakter na si Lola Nidora, kung hindi pati na rin sa kasiyahang ibinibigay ng kaniyang mga karakter sa mga manonood.

Marami nga ang naniniwala na dapat tumanggap ng mga pagkilala si Wally sa husay ng kaniyang pagganap sa kalyeserye.

Kung nagpapasalamat ang mga manonood kay Wally, si Wally ganuon din sa mga manonood.

Sa isang panayam sa kaniya noon ng Philippine Entertainment Portal, paulit-ulit ang pasasalamat ng komedyante sa ibinigay na pagkakataon sa kaniya na makabalik sa showbiz pagkatapos ng eskandalong pinagdaanan.

“Parang yung chance na ibinigay sa akin, parang suklian ko naman nang hindi naman kayo magsisi na binigyan niyo ako ng chance," aniya. “I need to do my job very well.”

Inamin din niya sa isang panayam na pumasok din sa isip niya noon na magpakamatay dahil sa eskandalo. Kung ginawa niya iyon, wala sanang Lola Nidora, Dra Dora de Explorer, Duhrizz at Rihanna, na nagbigay ng kasiyahan sa maraming tao.

Setyembre 2013 nang pumutok ang tungkol sa private video ni Wally kasama ang isang dancer. Mula noon, hindi muna siya napanood sa programa. Hanggang sumapit ang Pebrero 2014 nang lumabas siya sa episode ng Eat Bulaga na itinaon sa kaarawan ng kaniyang kaibigang si Jose Manalo, na kilala sa kalyeserye bilang si Lola Tinidora.

Sa naturang episode, umiiyak na humingi ng pang-unawa at kapatawaran si Wally sa nagawa niyang pagkakamali.

"Sorry po sa mga nagawa kong kasalanan. Sana mabigyan niyo pa ho ako ng isang pagkakataon para maiayos ko ang buhay ko... patawad po sa inyong lahat, sorry po," umiiyak na pahayag ni Wally sabay yakap sa katabing sina Jose at Paolo Ballesteros, na gumaganap namang si Lola Tidora.

Basahin: Wally Bayola: 'Sorry po sa mga nagawa kong kasalanan'

Pero bagaman nakabalik na siya sa segment na "Juan For All, All for Juan" Eat Bulaga nang panahon iyon, marami pa rin ang nakakapansin na hindi pa nagbabalik ang dating Wally na napapanood ng mga tao bago mangyari ang eskandalo.

Kaya naman sa isang panayam din ng PEP.ph kay Joey de Leon, nagpahayag ito ng kumpiyansa na babalik din ang dating sigla at pagpapatawa ni Wally.

"Wala 'yon. Babalik 'yon sa dati," ani Joey sabay paliwanag na may iba pang pinagdadaanan si Wally na patungkol sa anak nitong may karamdaman.

Basahin: Wally Bayola, may iba pang pinagdadaanan, ayon kay Joey de Leon

Hindi naman nagkamali si Joey sa kaniyang sinabi. 

Gaya nang madalas nating marinig sa kalyeserye, mangyayari ang lahat... "sa tamang panahon." Pero kapag nangyari ito, hindi ito dapat sayangin gaya ng ginawa ni Wally.

 
 
 
 
 
 

 

-- FRJimenez, GMA News