Shalala, bakit 'sorry' ang 'ibinulong' kay Kuya Germs?
Ibinahagi ng television at radio personality na si Shalala sa "CelebriTV" ang mga hindi niya malilimutang karanasan na kasama ang namayapang si German "Kuya Germs" Moreno. Hindi rin napigilan ni Shalala na maiyak nang ikuwento ang kaniyang ibinulong sa "Master Showman" bago ito pumanaw noong Biyernes ng madaling araw.
Si Shalala ang naging katambal ni Kuya Germs sa ilang programa nito tulad ng "Walang Tulugan With The Master Showman" sa GMA, at "Walang Siesta" sa dzBB radio.
Basahin: 'D Badingdings,' ikinuwento ang huling mga araw na kasama nila si Kuya Germs
Nagsimula raw ang kanilang pagiging magkaibigan noong 1988 nang magkakilala sila sa Viva, at lumalim pa ang kanilang samahan nang sumama siya sa dating programa ni Kuya Germs na "GMA Supershow."
Pero nagkahiwalay sila ni Kuya Germs nang lumipat si Shalala sa ibang television network. Pero nitong nagdaang taon, bumalik si Shalala at bukas-palad na muling tinanggap ni Kuya Germs.
Kuwento ni Shalala, kabilang siya sa mga nagpunta sa ospital nang mga huling sandali ni Kuya Germs. Dahil nasabihan na sila na sadyang hindi na magtatagal ang Master Showman, sinabi ni Shalala na "bumulong" siya kay Kuya Germs para mag-sorry sa kaniyang mga nagawa na ikinasama nito ng loob.
Nang magkaayos sila noong nakaraang taon, inamin umano sa kaniya ni Kuya Germs na sumama ang kaniyang loob pero hindi naman daw ito galit nang umalis siya at lumipat ng ibang network.
Itinuturing daw ni Shalala si Kuya Germs na tatay, kapatid, kaibigan, at nilalapitan niya kapag may problema siya.
Ikinuwento rin ni Shalala na madalas siyang isama ni Kuya Germs noong nabubuhay ito sa mga lakad. Lagi raw umiiyak ang Master Showman tuwing nagpupunta sila sa Avenida sa Maynila kapag nakikita nito na sarado na ang mga sinehan doon na naging bahagi ng kaniyang kabataan.
Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ni Shalala na binanggit daw sa kaniya ni Kuya Germs ang pag-aalala kung ano ang mangyayari sa mga alaga niyang kabataang nag-aartista kapag nawala na siya.
Hindi umano akalain ni Shalala na pagpapahiwatig na ito ng gagawing pamamaalam ni Kuya Germs, na kilala ring star builder mula pa noong itatag niya ang youth oriented show na "That's Entertainment." -- FRJ, GMA News