advertisement
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vilma Santos at Ramon Revilla Sr., kabilang sa mga dumalaw sa burol ni Kuya Germs


Patuloy ang pagdating ng mga kilalang personalidad sa showbiz sa burol ng namayapang si German "Kuya Germs" Moreno para magbigay ng kanilang huling respeto.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Martes, kabilang sa mga nagtungo sa burol ni Kuya Germs sa Mount Carmel church sina Batangas Gov. Vilma Santos-Recto at dating Senador Ramon Revilla Sr.

Sa panayam ni Nelson Canlas, itinuturing ni Gov. Vilma na isang institusyon si Kuya Germs dahil sa mga iniambag at pagmamahal nito sa industriya ng showbiz.

Marami rin daw natutunan ang Star For All Seasons kay Kuya Germs na hinahangaan niya ang pagiging propesyunal, matulungin, hindi makasarili at isinakripisyo ang buhay para sa mga baguhan na nais mag-artista.

At kahit kilalang "Noranian" si Kuya Germs, ayon kay Vilma, hindi nawala ang respeto nito sa kaniya bilang kaibigan at isang artista.

Magiging mahirap daw na makakita ang show business ng isang tao na papantay kay Kuya Germs kaya madarama ang pagkawala niya sa industriya ng susunod na henerasyon.

Samantala, kasama naman ng dating senador na si Ramon Revilla Sr., ang ilang miyembro ng kaniyang pamilya nang magtungo sa burol ni Kuya Germs.

Ang kaniyang anak na si Sen. Bong Revilla Jr. at si Sen. Jinggoy Estrada, hindi naman pinayagan ng Sandiganbayan na makalabas ng kaniyang  detention facility sa PNP Custodial Center para makapunta sa burol ni Kuya Germs.

Sa inilabas na resolusyon ng anti-graft court, ipinaliwanag na hindi pinayagan ang dalawang senador na nahaharap sa kasong katiwalian kaugnay ng maanomalya umanong paggamit ng kanilang pork barrel funds dahil wala raw nakikitang "special circumstances" ang mga mahistrato ukol sa kanilang hiling na petisyon.

Ipinunto rin ng Sandiganbayan na nakapiit ang dalawang senador kaya limitado ang kanilang mga karapatan. At kung papayagan, posible raw lumikha pa ito ng impresyong binibigyan sila ng special treatment.

Kapwa itinanggi na noon nina Revilla at Estrada ang mga alegasyon laban sa kanila kaugnay ng kinakaharap na kaso. -- FRJ, GMA News

LOADING CONTENT