Filtered By: Showbiz
Showbiz
IN YES! MAGAZINE INTERVIEW

Alden, Maine open up about Kalyeserye stardom


Hindi maikakailang isa ang Dubsmash Queen at Kalyeserye sweetheart na si Maine Mendoza sa pinakamaningning na bituin sa showbiz na nakilala nitong nakaraang taon.

Matapos ang ilang buwan lamang mula nang madiskubre siya sa “Eat Bulaga!” at maging ka-loveteam ng Pambansang Bae at Kapuso heartthrob na si Alden Richards, bumida si Maine sa maraming endorsements at magazine covers pati na sa pelikulang “My Bebe Love” kasama sina Vic Sotto at AiAi Delas Alas.

Bumida rin ang dalaga bilang isa sa mga karakter ng noontime show na “Princess in the Palace,” kasama sina Ryzza Mae Dizon, Eula Valdez, Aiza Seguerra, at marami pang iba.

Gayunpaman, inamin ni Maine na likas siyang mahiyain bago siya nagkaroon ng pagkakataon na makapasok sa industriya at makilala bilang isang host at aktres.

Isa raw sa mga pinakamahalagang natutuhan niya ngayong hinahangaan na siya ng mga tao ay ang kahalagahan ng pagtitiwala sa sarili.

Aniya sa panayam ng entertainment magazine na Yes!,  “Biggest lesson that I have learned this 2015 is to always believe in myself. Believing in my capability of doing things that I used to think I am not capable of.

“Lumaki kasi ako na walang tiwala sa sarili ko, sa lahat ng gagawin ko. I always say it on social media and I am not ashamed to tell people how low I used to look at myself. It's already time for me to step out of my comfort zone. 'Yung mga ginagawa ko ngayon, ginagawa ko not to please or to prove something to people. I do it because I want to prove to myself na kaya ko,” dagdag pa niya.

Para naman kay Alden, malaki rin ang naitulong ng Kalyeserye hindi lamang sa kaniyang career bilang artista, kundi maging sa kaniyang kakayahang magpakatotoo sa harap ng camera.

Matapos ang limang taon sa showbiz, naging komportable na raw ang Pambansang Bae na ipakita ang kaniyang “funny side.”

Paliwanag niya, “'Yun kasi ako. I mean, that's the real me off-cam. And my family and my closest friends know that. It's just that, parang mas masarap ilabas ang natural you. Be true to who you are, kasi people will love you through that. So, 'yun ang ginagawa ko ngayon. That's why I'm enjoying every bit of it. I'm enjoying every bit of the situation, kasi I'm just being myself.”

“Lumabas 'yung sense of humor ko na tinatago ko for the longest time,” pabiro pang dagdag ni Alden sa parehong panayam.

Hiling raw ng Kapuso heartthrob para sa taong 2016: “With the things that happened to my life in 2015, parang nabigyan ng justice 'yung 'patience with prayers really works.' In 2016, I hope to learn more patience, perseverance, humility, hard work, and focus. I also hope it would be a purposeful New Year.” —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News

LOADING CONTENT