ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vic Sotto, todo-pigil sa pagluha sa 'EB'; Pauleen, handa nang maging Mrs. Sotto


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa special pre-wedding presentation ng "Eat Bulaga" para kina Vic Sotto at Pauleen  Luna nitong Sabado, nagpalitan ng mensahe ang ikakasal  para sa isa't isa. Si Bossing Vic, kahit panay ang biro, hindi napigilan ang maluha dahil sa kasiyahan.


Hindi pa pormal na inihahayag nina Vic at Pauleen ang petsa ng kanilang kasal pero inaasahan na magaganap na ito sa mga susunod araw habang nasa bansa pa ang kaibigan ni Pauleen na si Miss Universe Pia Wurtzback.

Nitong Sabado, January 23, nagdaos ng pre-wedding celebration ang mga Dabarkads kung saan binigyan nila ng simpleng bridal shower si Pauleen at bachelor party naman kay Vic.

Bukod sa mga dabarkdas na sina Ruby Rodriguez, Pia Guanio, Patricia Tumulak, dumating din sa bridal shower ang mga kaibigan ni Pauleen na sina Camille Prats, Yayo Aguila, at Sherilyn Reyes.

 

 

Nandoon din ang mga lola ng kalyeserye na sina Nidora, Tidora, at Tinidora, at si Maine "Yaya Dub" Mendoza.

Nagbigay sila ng mga regalo kay Pauleen na nagsisimula sa letrang "b" tulad ng banig, barya, bilao, bagnet, bola, na simbulo sa tawag kay Vic na "bossing."

Hangad nila ang kaligayahan ni Pauleen dahil sa kabutihan ng loob ng aktres at hindi rin daw naging madali ang mga pinagdaanan nito para ipaglaban ang pagmamahalan nila ni Vic.

Si Ruby, hindi napigilan na maiyak at sinabi kay Pauleen na naniniwala na siya sa "forever."

Bachelor party

Sumunod namang binigyan ng simpleng bachelor party ng mga male dabarkads si Vic kung saan nagbigay ng awitin sina Joey De Leon at Sen. Tito Sotto, na naghandog ng kantang "Ikaw."


Dumating din ang iba pang kapatid ni Vic na si Val at Maru Sotto, at nandoon din sina Jimmy Santos, Ryan Agoncillo, Alden, Sam YG, at Anjo Yllana.

Humabol din sina Lola Tidora at Tinidora, na may special surprise para kay Vic.

Hindi nagtagal, isang misteryosong "hugis ng babae" ang naanig na nagsasayaw, at nang lumabas ay lumitaw na si Duhrizz, na ginagampanan din ni Wally Bayola sa kalyeserye na apo ni Lola Nidora.

Nang lumapit si Duhrizz kay Vic, biniro ni bossing ang kakaiba raw nitong amoy.

Mensahe ng pagmamahalan

Kasunod nito ay tinawag na rin ng grupo si Pauleen at hiningan ang dalawa ng mensahe nila para sa isa't isa.

Si Pauleen, nagpasalamat kay Vic sa pagsama sa "journey" ng kaniyang buhay.

"I can't wait to be your wife and I love you very much," saad ni Pauleen kay Vic.

Marami naman daw ibig sabihin si Vic pero pagsasamahin na lang daw niya ito sa simpleng pagsabing, "I Love You."

May mga pagkakataon na tutulo na ang luha ni Vic pero pinapasukan niya ito ng biro tungkol sa amoy daw ni Duhrizz kaya siya naiiyak.

Pero nang banggitin na ni Vic ang mga taong nais niyang pasalamatan dahil sa pagsuporta at pag-unawa sa kanila ni Pauleen-- lalo na ang kaniyang mga anak, hindi na naawat ang pagdaloy ng luha sa mga mata ni Bossing.

Ani Vic, batid niya na hindi madali ang kaniyang naging desisyon pero nagpapasalamat siya at naunawaan siya ng kaniyang mga anak.

"I know na hindi ganung kadali na tanggapin ang aming mga desisyon but I know that you all love me and respect me kaya eto na kami ngayon," saad ni Vic na pabiro niyang dinugtungan ng, "ki-kiss na 'ko."

Bago nga magtapos, humiling ng kiss ang mga tao kina Vic at Pauleen.

Ngunit sabi ni Vic, hindi pa puwede ang kiss sa lips kaya sa cheek lang daw muna puwedeng kumiss (kiss) si Pauleen.

Pero nang hahalik na si Pauleen sa pisngi ni Vic, biglang itinapat ng komedyande ang mukha niya sa kaniyang very-soon-to-be bride kaya nagkatama ang kanilang lips.


Hindi rin nakaligtas sina Alden at Maine na hiningan din ng kiss at sa unang pagkakataon, nakunan sa camera ang pag-kiss ni Alden sa pisngi ni Maine nang may magtulak sa binata. -- FRJ, GMA News