Filtered By: Showbiz
Showbiz

Julia Clarete, sinagot ang mga intrigang ikinakabit sa pag-alis niya sa Eat Bulaga!


Sinagot na ni Julia Clareta ang mga intrigang ikinakabit sa pag-alis niya sa "Eat Bulaga!" Kabilang na rito ang umano'y pagiging buntis niya o kaya naman ay may nakaalitan daw siya sa number one noontime show.

Sa "Chika Minute" exclusive ni Nelson Canlas sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabi ni Julia na maayos ang pagpapaalam niya sa mga boss ng programa hanggang sa mga co-host at staff nito.

Wala raw katotohanan na buntis siya, o may nakaalitan siya sa Eat Bulaga kaya siya umalis sa programa na sampung taon na naging bahagi ng kaniyang buhay.

Aminado ang singer-actress na mahirap para sa kaniya na umalis sa Eat Bulaga pero nais na niyang bumuo ng pamilya sa piling ng kaniyang nobyong Briton na nakabase sa Malaysia.

Limang taon na umano ang relasyon nila ng nobyo at mahirap para sa kanila na bumuo ng pamilya kung magkalayo sila at mayroon siyang daily show.

Nakabase na ngayon si Julia sa Malaysia pero uuwi siya sa Pilipinas kapag mayroong gig ang kanyang banda at iba pang trabaho.

"Ang lapit lang ng Malaysia. Hndi naman ito parang state na malayo (na) kailangan mo ng visa," ani Julia.

Hiling pa niya, "I would like to ask everyone to have the same wish for me na imbes po na malungkot kayo, sana po ipagdasal niyo po ako na maging buo na po yung desisyon ko, na maging masaya ako."-- FRJ, GMA News