Veteran actor Eddie Garcia, binigyan ng pagkilala ng mga mambabatas
Nagtungo sa Kamara de Representantes ang batikan at respetadong aktor na si Eddie Garcia nitong Huwebes para tumanggap ng parangal na pinagtibay ng mga mambabatas.
Sa ulat ng GMA News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagtungo sa kapulungan si Eddie para tanggapin ang pagkilala na ibinigay sa kaniya ng mga mambabatas para sa kanyang mga kontribusyon sa entertainment industry.
Iginawad kay Eddie o Jesus Garcia Verches sa totoong buhay, ang Congressional Commendation sa bisa ng House Resolution No. 238.
Basahin: Batikang actor-director na dating sundalo at nadestino sa Japan noong WW II
Kasabay nito, tinanggap din ng ni Eddie ang isang simbolo mula sa Kamara.
Nagpasalamat ang batikang aktor na napapanood ngayon sa Kapuso series na Little Nanay kay House Speaker Sonny Belmonte at Representative Silvestre Bello III, na may-akda ng resolusyon.
Itinuturing daw ni Eddie na isang malaking pagkilala, at isa sa pinakamagandang parangal ang iginawad sa kanya ng mga mambabatas.
Bago naging artista at umarte sa kaniyang kauna-unahang pelikulang "Siete Infantes de Lara" noong 1950, naging sundalo muna ng Philippine Scout (PS) si Eddie, na tubong Bicol. -- FRJ, GMA News