Eat Bulaga top boss planning overseas shows featuring Alden and Maine
Naging sunod-sunod ang mga show ni Pambansang Bae and Kapuso heartthrob Alden Richards abroad kasabay ng pagpasok ng bagong taon.
Dahil dito, marami tuloy ang nagtatanong kung kailan magsasama sina Alden at su Maine Mendoza sa mga pagtatanghal sa ibang bansa.
Bukod kasi sa AlDub Nation dito sa bansa, mayroon na ring mga fan clubs ang phenomenal loveteam sa iba't ibang bahagi ng mundo na binansagang Team Abroad.
Ayon kay Antonio Tuviera, President at COO ng Tape, Inc. na siyang namamahala ng “Eat Bulaga!” plano nilang pagsamahin ang dalawa sa ilang shows abroad.
“Pinaplano namin 'yan. Kaya lang, siguro naiintindihan naman nila na hindi basta-basta makakaalis 'yung dalawa. Mapipilay ang show. Kaya kailangan, either taping or paplanuhing mabuti para kung gagawa man ng show abroad ay may maiiwan dito,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Tuviera, “Medyo mahirap pero pinaplano namin.”
Nagpapasalamat naman sina Maine at Alden sa patuloy na pagbibigay sa kanila ng tiwala at suporta ng Tape Inc. at ng “Eat Bulaga!” lalo na at nag-eenjoy rin sila sa mga proyektong pinagsasamahan nila.
Bukod sa Kalyeserye, sunod-sunod rin ang mga pinagbibidahang endorsements at magazine features ng dalawa.
“Kung hindi dahil sa Eat Bulaga!, hindi naman matutupad ang dream ko. Kung hindi dahil sa kanila, wala ako kung nasaan ako ngayon. Super happy ako, at sana magtagal pa ako sa show business. Super nag-eenjoy ako,” ayon kay Maine.
Pahayag naman ni Alden, “Kaya kami nag-eenjoy sa ginagawa namin kasi wala kaming pressure. Lahat ng ginagawa namin for Kalyeserye is on our own will. Walang pilitan.”
Marami pa raw aabangan sa AlDub ngayong taon at sisiguraduhin umano ng phenomenal loveteam na patuloy ang pagpapasaya nila sa mga manonood.
“We are trying different stories sa Kalyeserye. Expect for more unexpected twists... Sa Eat Bulaga! rin naman, maraming naiisip na bagong segments lagi. Marami pang iniisip para rin sa AlDub kaya for sure, maraming aabangan this year. Hindi pa rin namin alam kaya sabay-sabay tayong masu-surprise,” anila. —JST, GMA News