Balik-Tanaw: Ang kuwento ng pag-iibigan nina Vic at Pauleen
Bago ang inaabangang kasalang Vic Sotto at Pauleen Luna ngayong Sabado, balikan ang kuwento ng pag-iibigan ng dalawa na hinamak ang lahat--pati na ang edad, sa ngalan ng pagmamahal.

Batay na rin sa mga naunang pahayag nina Bossing Vic at Poleng, hindi naging madali ang lahat para sa kanila bunga na rin ng mga puna at paghuhusga mula sa ilan dahil sa malaking agwat ng kanilang edad.
Sa araw ng kanilang kasal, 61-anyos si Vic habang 27-anyos naman si Pauleen.
Matatandaang taong 2011 nang magsimulang kumalat ang usap-usapang may namamagitan na sa dalawang “Eat Bulaga!” hosts matapos silang magkasama sa pelikulang “Enteng Ng Ina Mo.”
Hindi ito kinumpirma o itinanggi ng dalawa, ngunit agad na lumabas ang mga negatibong komento tungkol sa malaking agwat ng kanilang edad.
Maging ang ina ni Pauleen na si Mrs. Chat Luna, ay nagbigay noon ng pahayag para ipagtanggol ang kaniyang anak, “Since her start in this industry, she has but one goal—that is to enjoy what she loves the most—acting and hosting. What she earns from this profession comes secondary to her passion. That is why it pains her and us as well to hear that she is using someone else for financial gains…”
"She is a very simple lady with simple wants and needs. She has been smart in ensuring that her future is secured through her investments. We would like to extend our regrets to Mr. Vic Sotto for being dragged in this issue. We respect his show of interest with Pauleen and trust that whatever she decides regarding this matter will be for the best of everyone," dagdag pa niya.
Ang kumpirmasyon
Dalawang taon makaraang umugong na may namamagitan sa kanila ni Pauleen, inihayag na ni Bossing Vic sa publiko ang relasyon nila ng aktres noong 2013.
Sa isang talk show, tinanong ng host si Vic kung anong pangalan ang nakasulat sa kaniyang puso, at sinagot naman ito ng batikang TV host-actor ng “Pauleen.”
Sa ginawang pagsasapubliko ni Vic, inamin ni Pauleen na kinilig siya sa ginawa ng aktor. Ngunit hindi pa rin humupa ang kontrobersiyang kinaharap nila.
Naging bukas na rin ang pagpapakita ng mga larawan sa pamamasyal ng dalawa.

(Photo: Pauleen IG)
Inihayag noon ng anak ni Vic na si Danica na, “Ayokong magsinungaling. Nung una, parang medyo nakakailang 'yung edad... I will just continue to pray kung ano ang will ni God para sa kanila. And we'll continue to respect them and be there also for my dad."
Para naman sa dating asawa ni Vic na si Dina Bonnevie, “Sabi ko, ‘Alam mo, Vic, kaya nasasaktan yung mga bata kasi mas bata pa sa kanila. Parang, ewan ko, ha? Look after your future. Baka naman pag sixty-five ka na, at masakit na yung mga tuhod mo, uugud-ugod ka na, e, gusto pang pumarty nung isa? Ang layo masyado ng agwat.’”
Gayunpaman, pinatunayan ng magkasintahan na matibay at tunay ang kanilang pagmamahalan. Kaya naman sa paglipas ng panahon, natanggap na rin ng ibang nagdududa sa pagtitinginan nina Vic at Pauleen.
Paliwanag noon ni Pauleen, sinisiguro nilang ang Panginoon ang laging nasa sentro ng kanilang relasyon, at hindi na lamang nila pinagtutuunan ng pansin ang mga komento tungkol sa malaking agwat ng kanilang edad dahil “age is just a number.”
At sa isang episode ng “The Ryzza Mae Show sa unang bahagi ng 2015, nagkaroon din ng pagkakataong magkita at magkausap sina Pauleen at Dina.
Kuwento ni Dina, bumilib siya kay Pauleen hindi lamang sa kagandahan ng loob nito kung hindi maging sa respetong ipinakita sa kaniya. Hanga rin ang aktres sa tibay ng pagmamahal ni Pauleen kay Vic, na napatunayan daw niya sa pagdaan ng ilang taon.
Kuwento ni Dina, “Sa akin, very bold na lumapit siya, maayos naman and I commend her for that. Parang wow, hats off ako. Hindi ka natakot na lumapit sa akin at nagpakilala ka. And right after that naman, nag-text siya kay Danica na, ‘Hey, I finally met your Mom, great woman, galing.’”
Engagement
Mula nang magkaayos na ang pamilya nina Bossing at si Pauleen, naging maganda na ang takbo ng relasyon ng dalawa.

At noong September 2015, masayang inamin ni Vic na engaged na sila ni Pauleen at nakatakdang magpakasal sa unang bahagi ng 2016.
Kamakailan lang, ikinuwento ni Pauleen na nangyari sa banyo ang wedding proposal sa kaniya ni Vic nang manggaling ang aktor sa isang biyahe sa Hong Kong.
Sinabi naman ni Vic na hindi kaagad o hindi naging mabilis ang pagka-develop ng damdamin nila ni Pauleen sa isa't isa.
At makaraang pagtatapat ni Vic na engaged na sila ni Pauleen, simula noon ay naging hands-on na ang dalawa sa paghahanda para sa kanilang kasal, at nakasama rin nila ang kani-kanilang pamilya at mga mahal sa buhay sa blessing ng kanilang magiging bahay matapos ang kanilang kasal.
Naganap ang naturang house blessing nitong unang araw ng 2016, at pinangunahan ito ng kanilang paboritong pari at mentor na si Father Jeffret Quintela.
Bagaman pinili nina Vic at Pauleen na gawing pribado ang kanilang kasal, masaya ang kanilang mga kaanak at tagasuporta sa panibagong landas na tatahakin ng kanilang pagmamahalan.
Ang kuwento ng pag-iibigan nina Bossing Vic at Pauleen ay patunayan na kapag tumibok ang puso, deadma na ang edad.
Congratulation Mr. and Mrs. Sotto!
Samantala, narito ang ilan pang celebrity couple na hindi usapin ang edad pagdating sa pag-ibig.
— Biaca Rose Dabu/FRJimenez,GMA, News