Thanksgiving party ng GMA para sa mga advertiser, dinagsa ng mga Kapuso star
Star-studded ang GMA Thanksgiving Party na inihandog para sa mga advertiser na walang sawang sumusuporta sa Kapuso station. Kasama sa mga dumalo sina Dingdong Dantes at Marian Rivera at ang Phenomenal love team na "AlDub."
Sa ulat ng GMA news Balita Pilipinas nitong Huwebes, sinabing napuno ng saya at papremyo ang GMA Thanksgiving party 2016 na ginawa sa isang hotel sa Makati city nitong Miyerkules ng gabi.
Pagpapasalamat ito sa mga advertiser na patuloy na sumusuporta sa Kapuso network.
Ipinagmalaki ni GMA Chairman and CEO Atty. Felipe L. Gozon na malaki ang kinita ng GMA Network noong 2015, na 100 porsiyentong lampas na sa kinita noong 2014.
"Para sa magandang 2015 na tinangkilik tayo ng ating mga advertiser. Kaya ito ay bilang pasasalamat," ani Atty. Gozon. "Itong 2016, we expect it to be better. In fact itong January/February is already better...kasama na yung election."
Pahayag naman ni GMA President and COO Gilberto Duavit Jr., "To our valued advertisers, partners, agencies, partners in the trade, our deepest appreciation for your continued support. Thank you very much."
Bukod kina Atty. Gozon at Mr. Duavit, dumalo rin sina GMA EVP and CFO Felipe S. Yalong, Marketing head Lizelle Maralag, VP for Drama Productions Redgie Magno, Entertainment Consultant Marivin Arayata, First VP for RTV Rikki Escudero, NMI President and COO Judd Gallares, at SVP for News & Public Affairs Marissa Flores.
Nandoon din ang mga paboritong Kapuso stars na pinangunahan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
"Talagang 'pag may ganitong celebration we make it a point to come and be one with GMA. Tutal sandali lang naman kami nawala. Kaya sabi namin sa anak namin, teka lang ha, babalik kami kaagad," kuwento ni Dingdong.
Tulad ng inaasahan, pinagkaguluhan ang tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza.
"Siyempre excited. Medyo kinakabahan kasi first time ko. Pero excited ako na nandito sa event na 'to," ani Maine.
Hanggang sa red carpet, hindi maiwasang magkulitan nina Alden at Maine.
"Thank you po for continuously supporting GMA throughout these years. And sana po in the years to come sana po mas marami pang dumating na supporters at advertisers," ayon kay Alden.
Nakasama rin sa Thanksgiving party ang ibang Kapuso celebrities tulad nina Sen. Tito Sotto, Regine Velasquez-Alcasid, AiAi delas Alas, Megan Young, Michael V., Heart Evangelista, Lovi Poe, Julie Ann San Jose, Gabby Concepcion at Carla Abellana.
Present din ang GMA News anchors na sina Arnold Clavio, Vicky Morales, Pia Arcangel, Rhea Santos at Connie Sison.
Ang highlight ng gabi, ang grand draw para sa dalawang kotse na ipinamigay. -- FRJ, GMA News