ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pagbalik sa rehab ni Jiro Manio, kinumpirma ni AiAi delas Alas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinumpirma ni AiAi delas Alas na ibinalik sa rehab center ang kaniyang anak-anakan na si Jiro Manio. Pero pakiusap ng aktes, huwag kaagad husgahan ang dating child star.

 

(Photo from @sanchovito IG)

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni AiAi na masakit man sa kalooban niya ang nangyari kay Jiro, wala siyang magagawa kung hindi ibalik sa wellness center ang dating aktor para lubos itong gumaling.
Pero pinabulaanan ni AiAi na bumalik sa Jiro sa pagdo-droga.

"Hindi po siya nagda-drugs. Sabi ni doktora, he's chronically ill, and ayoko po sanang sabihin pero may sakit po si Jiro. Hindi siya stable," saad ng aktres.

Pakiusap pa ni AiAi, huwag kaagad husgahan ang kaniyang anak-anakan, na ilang linggo pa lang nakakalabas ng wellness center.

Basahin: Dating child star na si Jiro Manio, nakalabas na ng rehab facility

"Yung dignity naman nu'ng bata eh iwan natin sa kanya. Hindi po siya addict, meron lang po talaga siyang sakit," ayon sa aktres.

Naging emosyonal ang comedy concert queen nang umapela sa mga nagkakalat ng mga maling balita tungkol kay Jiro.

"Du'n po sa iba na itsinitsismis pa si Jiro, sana po patahimikin na natin siya kasi nandu'n na po siya sa loob. Marami po tayong hindi alam sa pinagdaanan ni Jiro, so siguro mas magiging maganda kung tatahimik na lang po tayo dahil wala namang magandang naidudulot 'yon para sa kanya," pakiusap niya.

25th year sa showbiz

Samantala, ikinalulugod naman si AiAi na sa unang pagkakataon ay nagsagawa siya ng fans day para sa pagdiriwang ng kaniyang ika-25 taon sa showbiz.

Present ang mga miyembro ng kaniyang mga fans club niya gaya ng Aiz-Aiz Bebe, Aination at AiAinatics.

"Sa edad kong ito, ha, sa edad ko sa showbusiness, ngayong lang ako nagkaroon ng maraming fans club," masaya niyang pahayag.

Bilang ganting-pagmamahal ni AiAi, binigyan niya ng life insurance ang members ng mga fan club niya.

"Happy naman sila kaya mukhang dadami pa fans ko. Sabi, 'hoy, do'n may libreng insurance, du'n na lang tayo kay AiAi,'" natatawa niyang pahayag. -- FRJ, GMA News