Marian Rivera kay Baby Zia: 'Kapag tumawa, parang ako—halakhak'

(Photo from TeenaBarretto IG)
Labis na natutuwa sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera sa pagiging mga magulang mula nang isilang ang kanilang panganay na anak na si Maria Letizia nitong Nobyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay Marian, halos kay Baby Zia na raw umikot ang mundo niya at ng kaniyang asawa, lalo na't hands-on parents sila ni Dingdong at breastfeeding mom siya.
GALLERY: Marian Rivera, Dingdong Dantes celebrate daughter's christening with family, friends
Paliwanag niya sa isang press conference nitong Martes, “Maraming nagawa sa buhay ko ang pagiging ina, at sinasabi ko nga na parang walang maihahambing o maikukumpara sa pagkakaroon ng anak. Parang naging mas buo ang pagkatao ko. Iba talaga kapag nanay ka.
Masaya ang mag-asawa dahil lumalaking malusog, mabait, at masayahin ang kanilang anak.
Halos tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang ipanganak si Zia, kitang-kita na raw kung paano nito namana ang pagiging malikot at madaldal ng kaniyang ina.
Kuwento ni Marian, “Ang likot. Ang daming mamanahin, yung likot ko pa.
Dumadapa na siya. Gumigilid na. Malikot paliguan. Ang daldal rin. Tawa nang tawa, lalo na kapag sinasabi mong 'Show me your smile.' Masayahin siya. Palangiti. Kapag tumawa, parang ako—halakhak.”
Hindi rin daw sila pinupuyat ng kanilang anak dahil hindi ito iyaking bata.
“Hindi ako pinupuyat ng anak ko.Nasanay ko kasi siya na hindi niya kailangang umiyak para bigyan ng gatas. Gagalaw lang siya, lalo na kapag madaling araw,” ayon sa Kapuso Primetime Queen.
Dagdag pa niya, “ Hindi siya iyakin. At hanggang sarado ang kurtina namin, hindi siya gigising. Pero once na i-open ko 'yun, ibig sabihin kailangan na siyang gumising.”
Dahil sanay na sanay na ang mag-asawa sa pag-aalaga ng kanilang anak, naitatabi na raw nina Dingdong at Marian sa kanila si Baby Zia kahit sa pagtulog.
“Sabi nila, huwag itabi, baka madaganan. Eh ako yung tipo ng nanay na kaunting galaw lang, nagigising agad,” ayon kay Marian.
Proud din si Marian sa pagiging isang breastfeeding mom kay Baby Zia mula nang ipanganak ito noong nakaraang taon.
Magsasakripisyo para sa anak
Aminado man siyang nahirapan siya noong una, handa raw ang Kapuso actress na harapin ang anomang sakripisyo para sa ikabubuti ng kanilang anak.
Aniya, “Hanggang kaya ko, hanggang may lumalabas, magbe-breastfeed ako.”
“Kung mayroon man akong isasakripisyo, okay lang. Bunga naman ay anak ko. Lalaki rin naman sila at magiging normal ulit ang buhay at oras ko,” dagdag pa ni Marian.
Lahat daw ng pinagdaraanan nilang mag-asawa ngayon na mga magulang na sila ay kinakaya nila at na-e-enjoy pa dahil sa magandang “teamwork” o pagtutulungan.
Paliwanag ng aktres, “Secret talaga yung partnership, yung pagsasama namin ni Dong. All the way ang suporta niya sa akin. Siya pa 'yung nagsasabi sa akin na 'Oh, mag-rest ka naman.' Sobrang suporta niya talaga.”
“Give-and-take kaming dalawa, at naa-appreciate niya yung ginagawa ko para sa anak ko. Naiyak ako isang beses nung sinabi niya sa akin na 'Thank you sa pagiging mabuting ina para sa anak natin,' kuwento pa ni Marian.
Bukod sa nakatakdang pagbalik niya sa “Sunday Pinasaya” ngayong darating na Linggo, bibida rin bilang Inang Reyna si Marian sa inaabangang 2016 remake ng Kapuso fantaserye na “Encantadia.”
Magkakaroon din ng sarili niyang talk show ang Kapuso Primetime Queen ngayong taon. -- FRJ, GMA News