Michael V. talks about challenges and accomplishments of 'Bubble Gang'
Masaya at proud ang batikang komedyante at Kapuso actor na si Michael V. sa matagumpay na dalawampung taon ng Kapuso comedy sketch gag show na “Bubble Gang.”
Isa na lamang si Bitoy sa dalawang original cast member na patuloy na napapanod sa naturang programa. Ang isa pa ay ang hunk actor-comedian na si Antonio Aquitania.
Nitong Lunes, nagsama-sama ang mga cast ng “Bubble Gang” upang opisyal na ilunsad ang librong “I Am Bubble Gang: The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles,” kung saan mababasa ang kuwento ng pagkakabuo at pamamayagpag ng programa.
Kasama ni Michael V. sa okasyon ito sina Antonio, Boy II Quizon, Chariz Solomon, Betong Sumaya, Sef Cadayona, Denise Barbacena, James Macasero, Rj Padilla, Juancho Trivino, Mikael Daez, at Diego Llorico.
The "Bubble Gang" cast with the #IMBG20 commemorative book and their adoring fans! @gmanews pic.twitter.com/fS186Z8Psf
— Bianca Rose Dabu (@biancadabu) February 22, 2016
Aminado si Bitoy, na creative consultant na rin ng “Bubble Gang,” na hindi naging madali ang paghahatid ng saya at katatawanan sa mga manonood tuwing Biyernes sa loob ng 20 taon.
Isa sa mga problemang hinaharap nila ang pag-iisip ng bagong materyal kada linggo.
Saad niya sa ginanap na book signing ng IMBG 20, "Mahirap yung humanap ng material every week kasi sa tinagal-tagal ng show, everytime na mag-uusap kami at may magpe-present ng bagong topic or bagong theme for the gags, palaging may bumabaril."
"Madalas ako nga yung bumabaril, kasi ako yung nakakaalala na, 'O nagawa na natin 'yan. Hindi na puwede 'yan, nakagawa na tayo ng parang ganyan.' Minsan nagawa na ng iba, nagawa na ng competitor or ng kalaban na gag show," paliwanag niya.
Gayunman, nagawa raw nilang malampasan ang mga pagsubok at matagumpay na inabot ang 20 taon dahil sa kagustuhan nilang mapasaya ang loyal viewers ng “Bubble Gang.”
Para sa marami, itinuturing nilang trendsetter at golden standard ng mga gag show sa bansa ang “Bubble Gang.”
Ayon kay Bitoy, “Ang accomplishment namin: Sa dinami-dami ng ginawa namin at naging problemang nalampasan namin, wala nang magawa yung iba.”
“Kumbaga kapag ginawa nila, I'm pretty sure na nagawa na namin. So, every week na manonood ka from this point on, it's something na hindi pa nagagawa ng Bubble Gang and, most especially, hindi pa nagagawa ng iba," patuloy niya.
Maaaring mabasa ang ilan pang kuwento ng mga dati at kasalukuyang cast ng “Bubble Gang” sa librong “I Am Bubble Gang: The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles,” na mabibili na ngayon sa mga bookstore sa bansa. -- FRJ, GMA News