Filtered By: Showbiz
Showbiz

Andrea Torres, palaban ang role sa 'The Millionaire's Wife'


Palaban at nalalapit daw sa totoong personality ni Andrea Torres ang kanyang unang mature role sa bagong afternoon soap na "The Millionaire's Wife."

Sa panayam ni Nelson Canlas kay Andrea sa first taping ng serye, inamin ng aktres na kabado siya sa kanyang first mature role.

Gaganap si Andrea bilang si Luisa, ang babaeng palaban na malapit daw sa totoong personalidad ng aktres.

"Si Luisa, what I like about her is palaban siya, kasi lagi akong api (sa mga roles ko). Mapagmahal din siya, dun mo makikita yung weakness niya sa mga taong mahal na mahal niya," kuwento ni Andrea.

Makakasama ni Andrea sa serye ang batikang aktor na si Robert Arevalo. Magiging leading man naman niya ang Kapuso hunk na si Mike Tan.

Dagdag ni Andrea, love scene ang unang kukunan na eksena sa kanilang dalawa ni Mike.

Malaking bagay daw na nagkatrabaho sila ni Mike sa "Magpakailanman" bago sila nag-umpisa ng taping ng "The Millionaire's Wife."

"Si Mike naman kasi very game. Tapos ako very game din ako, so I think hindi na kailangan pa nang pasintabi or anything," aniya.

Aminado rin si Andrea na nami-miss niya ang kanyang trabaho sa gag show na "Bubble Gang."

Ibang mundo raw kasi ang pagsabak sa comedy at sa kanyang ginagawa ngayon. At nawili rin siya sa masayang mundo ng Bubble Gang. -- FRJ, GMA News