Pia Wurtzbach, may hugot habang nagme-make-up
Tulad ng maraming Pilipino ngayon, hindi rin pinalalampas ni Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach ang “humugot” o magbitaw ng mga madramang linya tungkol sa pag-ibig.
Sa isang Instagram video na ibinahagi niya nitong Martes, makikitang sumasabay ang Pinay beauty queen sa kantang “Hinahanap-Hanap Kita” ng Rivermaya habang naglalagay ng make-up.
Maririnig ang pagbulong niya ng “Naku” at “Wala akong tiwala diyan” habang tumutugtog ang naturang awitin.
Nang marinig ang linyang “Sabay good night, sabay may kiss, sabay bye-bye,” tila hindi na napigilan ni Pia ang humugot at sinabing “Bye-bye naman. Wala namang mangyayari. Wala namang patutunguhan.”
Ayon kay Pia sa caption ng nakakatuwang video, “Napakapal tuloy contour ko.”
Matapos ang siyam na oras mula nang ibahagi ito ng beauty queen sa Instagram, umani na agad ng halos 40,000 likes at at higit sa 1,700 comments ang kaniyang post. —Bianca Rose Dabu/JST, GMA News